HONG KONG – Itinuturing ng China na “friendly” ang pag-uusap na namagitan kina dating Pangulong Fidel Ramos at senior officials ng Beijing sa Hong Kong.
Sa nilagdaang statement nina Ramos, Chinese Congress foreign affairs committee chair Fu Ying na dati rin ambassador ng China sa Filipinas, at Wu Shichun na presidente ng Chinese National Institute of South China Sea studies, pitong agenda ang kanilang tinalakay.
Kabilang dito ang marine preservation at paglaban sa krimen at smuggling.
Ngunit sinabi ni Ramos, sa ilang araw na meeting, hindi raw nila tinalakay ang territorial dispute sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ang napag-usapan aniya ay kung sino ang may karapatang mangisda sa mga pinag-aagawang isla.
Ngunit magkakaroon agad ng ikalawang round ng pag-uusap bagama’t hindi pa matiyak kung saan ito isasagawa.
Sa joint statement, kapwa rin inihayag ng Filipinas at China na sabik na silang simulan ang formal talks.
Si Ramos ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na special envoy sa China makaraan ilabas ng Permanent Court of Arbitration ang desisyon na nagsasabing walang batayan ang claim ng Beijing sa West Philippine Sea.