CEBU CITY – Umabot sa P4.5 milyon cash at 88 grams illegal drugs ang nakompiska sa isinagawang greyhound operation ng Police Regional Office (PRO-7) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-7) sa loob ng Bagong Buhay Rehabilitation Center (BBRC) o Cebu City Jail kahapon ng madaling araw.
Tumambad ang iba’t ibang klase ng gadgets, cellphones, pocket Wifi, flatscreen TV, mga patalim, drug paraphernalia at bag na naglalaman ng bundle-bundle na pera.
Inihayag ni BJMP-7 regional director, Chief Supt. Allan Iral, agad nilang pinapunta sa isang sulok ang inmates at pinahubad para masiguro na walang naitago.
Nakakuha ng atensiyon ang tila mala-grocery store na selda ng isang inmate na tinaguriang mayor ng mga preso at makikita ang gabundok na grocery items at appliances.
Samantala, umabot din sa halos anim drum na puno ng mga barya ang nakuha ng mga awtoridad.
Sa ngayon, iniutos na ni Iral ang pagpapa-relieve sa puwesto kay Cebu City Jail Warden Supt. Jhonson Calub makaraan ang raid para isailalim na rin sa imbestigasyon.
Nabatid na una nang nakatanggap ng report ang mga awtoridad na dinadayo ang Cebu City Jail upang doon magsagawa ng pot session ang mga drug addict.