TINUTULUNGAN ng Globe Telecom, Inc., ang pamilya ng mga empleyado ng Power City na kinidnap ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu para sa mabilis na paglaya.
Ayon kay Atty. Froilan Castelo, general counsel ng Globe, ang Power City, ang kompanyang kinontrata ng Globe upang magtayo ng network infrastructure sa lugar.
“We were informed by Power City that they are actively coordinating with the authorities for the safety and release of the victims. Last August 6, 2016, one of the victims, Salip Jul Hassan Abirin has been released from captivity,” ani Atty. Castelo.
Batay sa report, ang tatlong biktima ay kinidnap ng mga bandido dakong 10:00 am nitong nakaraang Sabado, Agosto 6 sa Barangay Timpook, Patikul, Sulu.
Sinabi ng mga awtoridad, lulan ang mga biktima ng multicab at patungo sa Barangay Bagsak nang harangin ng mga miyembro ng ASG.
Kinilala ang mga biktima na sina Levi Gonzales, Daniele Gonzales at Salip Jul Hassan Abirin.
Ang tatlo ay puwersahan umanong dinala patungo sa direksiyon ng Sitio Kaban-kaban (nasa barangay Timpook din) at kalaunan ay narekober ng mga awtoridad ang multicab ng mga biktima.