KINOMPIRMA ng pambansang pulisya, may hawak na silang listahan ng celebrities na tinaguriang drug personalities, at target ngayon nang pinalakas na kampanya laban sa illegal na droga.
Una rito, sinabi ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa, kanila nang susunod na puntirya ang high-end bars na pinupuntahan ng high-end customers na gumagamit ng party drugs gaya ng ecstacy, green apple at iba pa.
Ayon kay PNP Spokeperson S/Supt. Dionardo Carlos, ang celebrities na sangkot sa illegal na droga ay puwedeng mga user o pusher.
Sinabi ni Carlos, bukod sa mga taga-showbiz na drug personalities ay nakikipag-coordinate din ang PNP sa mga ‘gated subdivision’ para sa isasagawang Oplan Tokhang kabilang ang mga bahay ng mga artista na sangkot sa illegal na droga.
Pahayag ni Carlos, hindi sila nahirapan makipag-ugnayan sa mga exclusive subdivision dahil very cooperative sa PNP ang mga barangay chairman.
Sa kabilang dako, inihayag ng PNP chief, mayroon na siyang inutusang kakausap sa mga may-ari ng high-end bars sa BGC, Makati area at Taguig.
Sinabi ni Dela Rosa, batay sa feedback sa kanya, nagpahayag ng suporta ang mga may-ari ng high-end bars sa kampanya laban sa droga.