ZAMBOANGA CITY – Nakahanda na ang Armed Fores of the Philipines (AFP) sa Western Mindanao sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na wasakin at ubusin ang teroristang Abu Sayyaf group (ASG) sa Mindanao.
Inihayag ni Major Richard Enciso, tagapagsalita ng 1st Infantry Division (ID) ng Philippine Army, isinagawa na nila ang command conference at pinag-usapan ang kanilang mga plano laban sa Abu Sayyaf.
Bagama’t tumanggi munang isiwalat ng opisyal ang mga impormasyon sa kanilang naging pulong, nabanggit niya ang tungkol sa timeline sa kanilang operasyon laban sa ASG.
Ang hakbang ng militar ay kasunod nang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa headquarters ng Kuta Cesar Sang-an ng 1st ID sa Brgy. Pulacan, Labangan sa Zamboanga del Sur.
Base sa talumpati ng pangulo, muli niyang iginiit na bukod sa ibang rebeldeng grupo ay wala nang aasahang negosasyon ang pamahalaan at Abu Sayyaf.
Muli rin niyang iniutos sa militar na wasakin na ang teroristang grupo.
Habang nilinaw ni Enciso, kahit hindi pa naglabas ng “official statement” ang pangulo laban sa Abu Sayyaf, nagpapatuloy ang intensified law enforcement operation ng kanilang tropa sa mga bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Basilan, Sulu at sa iba pang bahagi ng Mindanao na may napapabalitang pananatili ng Abu Sayayf.