IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) ang protestang inihain ni dating Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri laban sa pagkapanalo sa halalan ni Mayor Oscar Malapitan dahil sa ‘insufficiency in form and content’ o kakulangan sa porma at laman ng naturang reklamo.
Sa desisyon na nilagdaan kahapon nina 1st Division Presiding Commissioner Christian Robert S. Lim, Commissioners Luiz Tito F. Guia at Ma. Rowena Amelia V. Guanzon, sinasabing hindi binanggit sa protesta ni Echiverri ang kinukuwestiyong mga presinto at ang bilang ng mga boto na inirereklamo.
Matatandaan, ang pagkapanalo ni Mayor Malapitan sa nakaraang halalan ay “landslide” sa pagkakamit nang mahigit 300,000 boto, habang si Echiverri ay mayroong mahigit 160,000 votes. Lumamang nang mahigit 130,000 votes si Malapitan sa kanya.
Nagresulta ito nang paghahain ng protesta ni Echiverri noong Hulyo 25 laban kay Malapitan at sinasabing dinaya siya ng huli noong nakaraang halalan.
Ang Caloocan ay may 4,312 presinto o 963 clustered precincts.
Sa desisyong pagbasura sa reklamo ni Echiverri, walang masabing paliwanag ang nagprotesta kung bakit “ampaw” ang isinampang reklamo, at ang paghiling ng “liberalismo” ay hindi maaaring gawing panakip sa ano mang pagkakamali, kapabayaan at kawalan ng kaalaman sa batas.
( JUN DAVID )