UMABOT sa 513 drug suspects ang napatay ng mga pulis sa lalong pinalakas na anti-illegal drugs campaign.
Ang nasabing bilang ay mula Hulyo 1 hanggang Agosto 9, 2016.
Ito ay resulta nang mahigit 4,700 drug operations na isinagawa ng PNP simula nang maupo si PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa.
Bukod dito, nasa 7,300 drug suspects ang naaresto ng mga awtoridad.
Samantala, nasa 543,000 ang sumukong drug users at pushers sa buong bansa habang umabot na sa 265,000 bahay ang kinatok ng PNP sa ilalim ng “Oplan Tokhang.”
2 PATAY, 1 SUGATAN SA CDS
PATAY ang dalawang lalaki na sinasabing sangkot sa illegal na droga habang sugatan ang isa makaraan pagbabarilin ng hinihinalang mga miyembro ng Caloocan Death Squad kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Agad binawian ng buhay ang mga biktimang sina Jaypee Atendido, 31; at Angelo Opinion, 25, habang nilalapatan ng lunas sa Dr. Jose Rodriguez Hospital si Aeric Javier, 33-anyos.
Ayon sa ulat ng pulisya, habang ang mga biktima ay nasa loob ng bahay ng isang Erwin Galangue ng Phase 8, Package 13, Block 25, Excess Lot, Brgy. 176, Bagong Silang nang dumating ang mga suspek na lulan ng motorsiklo at pinagbabaril sina Atendido at Opinion na kanilang ikinamatay.
Habang sugatan din sa insidente si Javier na agad isinugod sa pagamutan.
(ROMMEL SALES)
Sumuko sa Oplan Tokhang
EX-ARMY NILIKIDA
PATAY ang isang dating sundalo makaraan pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa lungsod ng Quezon.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang biktimang si Luis Gomez, ng 4 Alley, Kalayaan-B, Brgy. Batasan Hills ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nangyari ang insidente dakong 6:15 am sa kanto ng Kalayaan St. at IBP Road, Brgy. Batasan.
Ayon kay Norberto Mabugay, barangay tanod, nakaupo ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang dumating ang mga suspek na lulan ng motorsiklo at pinagbabaril si Gomez.
Nauna rito, kabilang si Gomez sa mga sumuko sa QCPD kaugnay sa ipinatutupad na “Oplan Tokhang.”
( ALMAR DANGUILAN )
SANGKOT SA DROGA UTAS SA VIGILANTE
“ADIK at pusher ako, wag tularan.” Ito ang nakasulat sa isang karatula sa tabi ng biktimang natagpuang walang buhay at tadtad ng tama ng bala ng baril sa Port Area, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima sa alyas na Jaime, tubong Maguindanao, may gulang na 35 hanggang 40 anyos, residente ng Block 15, Lot 17, New Site, Baseco Compound, Port Area.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District Homicide Section, dakong 1:30 am nang matapuan ang bangkay ng biktima sa Block 15, Lot 17, New Site, Baseco Compound sa Port Area. (LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Joana Cruz)
PARAK NA TULAK, PATAY SA BUY-BUST
PATAY ang isang pulis Quezon City makaraan lumaban sa mga operatiba ng NCRPO-DAID sa buy-bust operation sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang napatay na si PO1 Reyadsfer Ibba, nakatalaga sa PCP-1 ng QCPD Talipapa Police Station 3.
Sa imbestigasyon, dakong 6:30 pm kamakalawa nang maganap ang insidente sa Katipunan Ave., SB Road, malapit sa kanto ng Gen Luis St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Sa isinagawang buy-bust operation, napansin ni Ibba ang papalapit na mga operatiba sa kanya para siya ay arestohin.
Imbes sumuko, bumunot ng baril si Ibba at pinaputukan ang mga awtoridad.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kanyang kamatayan.
( ALMAR DANGUILAN )