INARESTO ang isang Filipina sa Kuwait bunsod ng hinalang sumusuporta siya sa jihadist militant group ISIS.
Ang Filipina, isang household service worker, ay ikinulong makaraan imbestigahan ng Kuwaiti State Security officers.
Siya ay isinilang noong 1984 at pumasok sa Kuwait bilang housemaid nitong Hunyo.
Ayon sa Kuwait News Agency (KuNA), nabatid mula sa Ministry of Interior (MoI), sinubaybayan ng mga awtoridad ang email accounts ng Filipina.
Sinasabing siya ay gumagamit ng pekeng pangalan at nickname para makaiwas sa ‘monitoring.’
Ayon sa Kuwaiti authorities, nabatid sa surveillance, ang babae ay gumamit ng telegram messaging application para makontak ang kanyang mister sa Libya.
Alegasyon ng mga awtoridad, naghihintay lamang ang Filipina ng pagkakataon para magsagawa ng suicide bombing sa Kuwait.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs spokesman Charles Jose, hindi pa opisyal na naaabisohan ang Filipinas kaugnay sa pag-aresto ngunit hihilingin sa Kuwait officials na magkaroon ng ‘access’ sa Filipina upang mabatid ang kanyang pagkakilanlan at mabatid ang kalagayan ng kanyang kaso.