MAGBIBIGAY ang Komisyon sa Wikang Filipino ng 25% deskuwento sa lahat ng publikasyon sa darating na Agosto 23.
Ito ay handog ng KWF bilang pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag.
Sa araw na iyon ay ilulunsad din ng KWF ang mga bagong aklat.
Ang mga aklat ay mga salin ng mga panitikan ng mga rehiyon, mga klasikong akda ng daigdig, at pananaliksik sa wika at kultura.
Bahagi ito ng isang pangmatagalang proyekto ng KWF na masimulan ang maaaring ituring na “Aklatan ng Karunungan” na magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino bílang wika ng paglikha at saliksik.
Bukod sa paglulunsad ay magkakaroon din ng huntahan sa pagsasalin ang ilang mahuhusay na manunulat na naging tagasalin ng KWF.
Makakasama sa huntahan sina Nicolas Pichay, abogado at kasapi ng Palanca Hall of Fame; Ferdinand P. Jarin, nagwagi ng NBDB National Book Award; Allan Derain, nagwagi din ng NBDB National Book Award; Michael Jude Tumamac (Xi Zuq), nagwagi sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2015; at Ergoe Tinio, nanalo ng Palanca Awards para sa kuwentong pambata.
Ang paglulunsad ay gaganapin sa tanggapan ng KWF, Gusaling Watson, Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Lungsod Maynila, mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon.
Bukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang pagbebenta ng aklat.
Para sa mga tanong at detalye, maaaring makipag-ugnayan sa KWF sa telepono bilang (02)708-6972, (02)736-2525 lokal 105.