TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang matitirang Abu Sayyaf bago matapos ang kanyang termino.
Sinabi ni Pangulong Duterte, kinokompleto lamang niya ang kinakailangang puwersa ng sundalo at pulis gayondin ang mga makabagong gamit pandigma bago lusubin ang mga terorista sa Mindanao.
Ayon kay Duterte, kailangan tapusin ang Abu Sayyaf at ihanda ang militar dahil sa loob daw ng lima hanggang 10 taon, terorismo ang pinakamalaking problema sa bansa.
Samantala, bukod sa drug lords at terorista, pursigido rin si Pangulong Duterte na sirain ang “oligarchs” o mayayamang negosyanteng laway lang ang puhunan para makorner ang mga proyekto sa gobyerno.
Kaya natutuwa raw ang pangulo dahil kusa nang nagbitiw sa kanyang kompanya ang pinangalanan niya kamakailan na si Roberto Ongpin.
Galit na galit daw si Duterte sa “oligarchs” dahil hindi na nga nagbabayad nang tamang buwis, kinakawawa pa ang mahihirap.