MULING pinangunahan ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang “Oplan Clean Agad,” isang tuloy-tuloy na kampanya ng kalinisan para sa mga lugar na pinamumugaran ng dengue-carrier mosquitoes.
Sinimulan kahapon ang tatlong-araw kada cluster na kampanya kontra dengue at matatapos ito hanggang Agosto 21.
Layon ng Mayor na magkaroon sa bawat cluster ng 16 na zona ng information campaign; door-to-door flyer distribution at lectures sa barangay level, habang sa ikatlong araw ay fogging, misting at larvaecidal treatment ng mga kanal at mga drainage upang mapigilan ang pagdami ng lamok.
Kasama sa mga lilinisin ang mga lugar gaya ng mga creek, kanal, pag-aalis ng tubig sa mga lata, bote at sa mga lugar na may stagnant water.
Ginanap ang unang Oplan Clean Agad sa Unang cluster-Zone 13 (Barangays 142-155) kahapon hanggang sa Agosto 7; ang ikalawa, zone 12 (Barangay 132-141) sa Agosto 12-14, habang ang ikatlong cluster, Barangay 178 sa Agosto 19-21.
Ipinag-utos ni Malapitan na isunod na rin agad ang iba pang mga lugar sa Caloocan upang mapigilan ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
( JUN DAVID )