IBINASURA ng Philippine National Police (PNP) ang kahilingan nang inaakusahang drug lord na si Kerwin Espinosa, na sunduin siya ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang pagsuko.
Ngunit nag-deploy ang pulisya nang sapat na bilang ng mga tauhan na sasalubong kay Espinosa, kung matutuloy ang kanyang pagbabalik-bansa.
Si Kerwin ang sinasabing responsable sa pagpapakalat ng droga sa Eastern Visayas at anak nang sumukong si Albuera, Leyte mayor Ronaldo Espinosa Sr.
Matatandaan, una nang sinabi ng drug lord na susuko lamang siya kung susunduin ng PNP chief sa paliparan.
Maging ang local at foreign media ay naka-setup na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 para sa posibleng pag-uwi ng nakababatang Espinosa.
Batay sa record ng Bureau of Immigration (BI), nakaalis sa bansa si Kerwin noong Hunyo 21, 2016 para magtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Gen. Bato naubusan ng pasensiya
MAYOR ESPINOSA PALALAYASIN SA WHITE HOUSE
NAGBANTA si PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa na palalayasin na si Mayor Espinosa sa Kampo Crame susuko man o hindi si Kerwin
Ito ay dahil nauubusan na ng pasensiya si Dela Rosa sa mag-amang Espinosa.
Sinabi ni Dela Rosa, inaabuso na ni Mayor Espinosa ang kanyang ‘hospitality’.
Inireklamo ng PNP chief, na amoy usok na ang kuwarto ng kanyang anak sa White House sa loob ng Kampo Crame na pansamantalang tinuluyan ng alkalde kasama ang kanyang asawa at anak dahil sa sobrang paninigarilyo.
Sinabi ni Dela Rosa, pinahintulutan niya lang na tumira sa White House ang pamilya Espinosa dahil naawa siya nang makiusap sila na wala silang ligtas na lugar na matutuluyan dito sa Metro Manila ngunit umaabuso naman aniya sila.
Kaugnay nang pag-suko ni Kerwin Espinosa, makaraan magpadala ng surrender feelers, wala pa rin daw bagong developments mula kamakalawa.
Sinabi ni Dela Rosa, binibigyan niya lang ng hanggang gabi nitong Biyernes si Kerwin Espinosa na magparamdam kundi ay palalayasin niya na sa White House ang pamilya Espinosa.
Ayon kay Dela Rosa, ipatutupad pa rin ng PNP ang “shoot on sight” sakaling lumaban si Kerwin.
Wala rin aniya siyang ideya kung kailan magbabalik bansa ang tinaguriang top drug lord ng Eastern Visayas.
Habang nagpahayag nang pagdududa si Dela Rosa sa sinseridad ni Kerwin na sumuko.
KANANG KAMAY NI KERWIN NAPATAY SA BUY-BUST OPS
NAPATAY sa anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa Cebu City ang sinasabing kanang kamay nang pinaghahanap na si Kerwin Espinosa, sinasabing drug lord sa Eastern Visayas.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nitong Huwebes, nagsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba sa bahay ng 47-anyos na si “Julito.”
Ngunit nang pasukin ng mga awtoridad ang bahay ni Julito ay nanlaban siya kaya pinagbabaril. Dinala sa ospital si Julito ngunit binawian din ng buhay.
Habang Isinama ng mga pulis para tanungin ang 19-anyos anak ni Julito na isang criminology student.