NAIS ng Department of Education (DepEd) na isama ang alternative learning system (ALS) sa rehabilitation program ng gobyerno para sa drug users.
Umaasa si DepEd Secretary Leonor Briones na maiaalok ang ALS sa kabataang drug users na nasa rehabilitation centers at sa mga sumuko sa mga awtoridad.
Napag-alaman, hiningi na ng DepEd ang listahan ng school-age drug dependents mula sa Philippine National Police (PNP).
Ang mga guro ay ipadadala sa mga bahay at sa rehabilitation centers ng mga kabataan sa tulong ng Department of the Interior and Local Government, ayon kay Briones.
Ang ALS ay parallel learning system na nagkakaloob sa school dropouts ng access sa kompletong basic education sa paraang naaangkop sa kanilang kalagayan at pangangailangan.
Maaaring magtalaga ng assistant secretary na magpo-focus sa pagtulong sa mga mag-aaral sa labas ng formal education system sa pamamagitan ng ALS.
Plano ng education officials na maglaan ng alokasyong P700 milyon pondo para sa ALS program sa 2017.
Humihingi ang DepEd ng P571-bilyon budget para sa susunod na taon, 30 porsiyentong mas mataas kaysa 2016 budget nito.
Bukod sa pagpapalakas ng ALS, binanggit din ni Briones, nais niyang iprayoridad ang pagrerepaso sa sex education curriculum ng bansa.
( ROWENA DELLOMAS-HUGO )