IISA ang Peter Lim na lumapit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Peter Lim na isa sa drug lords sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito ang kinompirma ni PDEA Director General Isidro Lapeña.
Ayon kay Lapeña, kasama ang pangalan ng Cebuanong negosyante sa listahan ng mga target drug personalities na isinumite nila kay Duterte.
Ang nasabing listahan ay nabuo makaraan nilang ma-validate ang impormasyon ng bawat drug suspects sa sunod-sunod na intelligence operation ng PDEA at Philippine National Police (PNP).
Dagdag ni Lapeña, hinihintay na lamang nila ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau Investigation (NBI) laban kay Lim at ang pagsasampa ng kaso sa oras na mapatunayan na isa siya sa top 3 drug operators sa bansa para makapag-isyu ang korte ng warrant of arrest laban sa suspek.