PATAY sa mga pulis ang lider at dalawang miyembro ng Jerax Desiderio drug group sa Plaridel, Bulacan nitong Miyerkoles ng gabi.
Sinasabing lumaban sa gitna ng buy-bust operation sa Brgy. Banga 1 ang mga miyembro ng naturang mid-level drug group.
Dakong 11:00 pm nang makipagkita ang poseur buyer sa tatlong suspek para sa 200 gramo ng shabu.
Ngunit nang mapansing pulis ang ka-transaksiyon, bumunot ng baril ang mga suspek at nagpapatutok, dahilan para gantihan sila ng mga pulis.
Sa loob ng kanyang sasakyan binawian ng buhay ang lider ng grupo na si Jingo de Guzman at isang alyas “Edison”.
Habang bumagsak sa damuhan ang isa pang miyembro na si alyas “Gapur”.
Sinasabing malawak ang operasyon ng Jerax Desiderio drug group na sakop ang Caloocan city at buong lalawigan ng Bulacan.
EX-PULIS PATAY SA POLICE RAID, MISIS NA PARAK IKINUSTODIYA
CEBU CITY – Napatay ng mga miyembro ng Regional Special Operations Group (RSOG)-7) ang isang dating pulis nang lumaban makaraan silbihan ng search warrant sa Brgy. Inayagan sa lungsod ng Naga, Cebu kamakalawa.
Si PO2 Dave Agcol, dating nakadestino sa Cebu Provincial Police Headquarters, ay matagal nang sinusubaybayan nang maiugnay sa pagbebenta ng droga.
Sa imbestigasyon, nagsagawa nang paggalugad ang mga awtoridad sa bahay ni Agcol at asawa niyang si PO3 Genevieve Agcol ng Naga City Police Station, ngunit lumaban ang dating pulis.
Napag-alaman, na-dismiss sa serbisyo si Agcol noong 2009 dahil sa kaso sa droga at sinasabing nagpatuloy sa pagbebenta hanggang sa pinagkatiwalaan ng malalaking drug supplier sa lungsod.
Habang ikinustodiya ng RSOG ang misis niyang pulis na dumating makaraan ang enkwentro.