BAGUIO CITY – Hinikayat ng Bayani ng Wika awardee at ekonomistang si Dr. Tereso S. Tullao Jr., ang mga kapwa-ekonomista, guro, mananaliksik, at Filipino na makiisa sa intelektuwalisasyon ng Filipino sa larang ng ekonomiks.
Isa si Dr. Tullao sa mga nagsalita sa ikalawang araw ng Pambansang Kongreso 2016, na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa intelektuwalisasyon ng wika, na ginanap sa Teachers’ Camp, Baguio City. Tinalakay ng senior consultant ng China-ASEAN Research Institute, ang halaga ng wikang Filipino sa larang ng Ekonomiks.
Bilang pagpapatibay sa parangal na “Bayani ng Wika” na natanggap ng ekonomista noong Agosto 2009, ang aklat niyang “Diksyunaryo sa Ekonomiks: Ingles-Filipino” na naglalaman ng 400 terminong pang-ekonomiks sa unang lathala noong 1990 at nadagdagan ng 1000 salita sa ikalawang edisyon.
Ipinakilala ni Tullao sa harap ng 500 delegado na lumahok sa naturang komperensiya, ang ilan sa mga terminong isinalin niya tulad ng “isoquant” (pantay dami), “iso utility” (pantay kasiyahan), at “poverty” (karalitaan).
Ani Tullao, napakahalagang mapag-aralan muna ang konsepto ng termino upang hindi ito mabigyan ng maling translasyon.
Isang halimbawa ang “investment” na tinumbasan niya ng “pangangapital,” at hindi pamumuhunan, sapagkat ang investment ay pagpapalago ng kapital.
Paliwanag niya, “financing” ang katumbas sa Ingles ng salitang “pamumuhunan.”
Sinusuportahan ni Tullao ang paglalapat ng Filipino sa lahat ng larang teknikal hindi lamang sa ekonomiks.
Aniya, maski ang pag-aaral ng Law ay dapat nasa Filipino.
“Kaya maraming nakukulong nang basta-basta dahil Ingles ang ginagamit ng mga abogado,” biro niya.
Samantala, magaganap ang huling araw ng komperensiya sa Biyernes, na dadaluhan ng mga dalubhasa sa agham at linggwistika.
Inaasahan ng mga gurong lumahok sa komperensiya ang paglalagom tungkol sa hinaharap ng wikang Filipino sa sistema ng edukasyon sa Filipinas.
nina Kimbee Yabut at Joana Cruz