KINOMPIRMA ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa ang lumutang na ulat na protektor ng mag-amang Rolando at Kerwin Espinosa ang dalawang dating heneral ng pulisya.
Ayon kay Dela Rosa, bago pa man lumutang ang sinasabing koneksiyon nina retired General Marcelo Garbo at dating heneral at ngayon ay Daanbantayan Mayor Vicente Loot sa mga Espinosa ay alam na niya ito.
Noon pa man ay may mga natatanggap na rin aniya siyang impormasyon hinggil sa pagiging protektor ng dalawang dating opisyal ng PNP.
Sinasabing kinuha noon ni Loot si Kerwin bilang police asset nang siya pa ang pinuno ng regional anti-narcotics unit (RANU) sa Region 7.
Sa simula ay siya ang nagtuturo kung sino ang mga sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa rehiyon ngunit sa kalaunan ay ginagamit na rin si Kerwin na taga-recycle ng mga nakokompiskang droga para maibenta muli.
Sinasabing nanatili ang pagiging police asset ni Kerwin hanggang maging chief of staff din ng police regional office-7 si Garbo at nakilala si Kerwin sa buong rehiyon bilang “shared asset” nila ni Loot at Garbo.
Kung maaalala, ang dalawang heneral ay una nang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa ilang heneral na may kaugnayan sa illegal drugs.
Bagay na mariing itinanggi ng nabanggit na mga heneral.
KERWIN MAY SURRENDER FEELERS — PNP
KINOMPIRMA ni PNP chief, Director Gen. Ronald Dela Rosa, nagpadala na sa kanya ng “surrender feelers” ang suspected drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa sa pamamagitan ng ama niyang si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Dela Rosa, ang nasabing surrender feelers ay lumabas bago inamin ni Mayor Espinosa na drug lord ang kanyang anak.
Si Kerwin ay sinasabing nasa labas na ng bansa partikular sa Hong Kong simula noong Hunyo 21.
Una na rin inamin ni Mayor Espinosa na sumailalim sa plastic surgery ang kanyang anak.
Kamakalawa, makaraan magbigay ng kanyang sworn statement ang alkalde sa PNP-CIDG, umapela siya sa kanyang anak na sumuko na lamang nang mapayapa.
150 TAUHAN NI ESPINOSA TINUTUGIS
TACLOBAN CITY – Target ngayon ng manhunt operation ng mga pulis ang aabot sa 150 tauhan nang hinihinalang top drog lord na si Kerwin Espinosa ng Albuera, Leyte.
Kaugnay nito, ipinakalat na sa bayan ng Albuera at sa karatig na mga lugar sa probinsya ng Leyte ang mga tauhan ng pulisya.
Ayon kay Chief Insp Jovie Espinido, hepe ng Albuera PNP, pinaghahanap din nila ngayon ang isa pa sa mga sugatan sa enkwentro kamakalawa sa Brgy. Benolho na sinasabing nagtatago sa siyudad ng Tacloban.
Dagdag niya, naka-full alert na ang mga pulisy sa pagmamatyag sa nasabing grupo na armado ng matataas na kalibre ng baril.
Makaraan ang raid kamakalawa, umaabot sa 13 high powered firearms ang narekober sa bahay ng mga Espinosa.
Nakilala na rin ang lima sa anim napatay na mga tauhan makaraan ituro ng isa sa bodyguard ni Mayor Rolando Espinosa na nahuli sa isinagawang buy bust operation noong isang linggo.
Sila ay sina Ricky Grabello, taga-Can-untog, Ormoc City; alyas Tatay, mula sa Mindanao; Richard Mato ng Pagadian; isang alyas Insik, na nanggaling din sa Mindanao; at Terisito Laro, ng Purok Marang Lizon Valley.
Habang ang isa pang napatay hindi pa nakikilala.
Napag-alaman, nakita sa kamay mismo nang hitman na si Grabillo ang retrato ni Chief Insp. Espinido.
Inaalam pa kung target talaga ng grupo ang mga awtoridad sa Albuera o ang mga pulis sa rehiyon.