BAGUIO CITY – Dinaluhan ng mahigit 500 delegado mula sa akademya at iba’t ibang ahensiya ng paamahalaan mula Luzon, Visayas at Mindanao, ang panimulang gawain ng tatlong-araw na Pambansang Kongreso 2016 sa Teachers’ Camp, Baguio City kahapon.
Pinangunahan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), katuwang ang Sentro ng Wika at Kultura (SWAK), ang komperensiya mula 3-5 ng Agosto, na may temang “Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino.”
Layunin ng komperensiya na mailahad ang pananaw at proseso ng intelektuwalisasyon ng wika sa sistema ng edukasyon; matukoy ang mga hamon at suliranin sa pagbabalangkas ng mga kongkretong hakbang sa pagpapalakas ng wika sa teknikal at siyentipikong larang; mailapat ang mga proseso ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa lahat ng STRAND batay sa K+12 Kurikulum; matiyak ang mataas na antas ng edukasyon sa bawat STRAND gamit ang Filipino; maitaguyod ng mga guro mula bayatan patungong tersiyarya ang bisa sa paggamit sa pagtuturo; at maganyak ang mga guro na gamitin ang Filipino sa paglinang ng mga aralin at pagbabalangkas ng mga kagamitang panturo.
Dumalo sa pagtitipon ang delegasyon mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, ilang kinatawan mula sa media, mga director ng SWAK at ang Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF, kabilang ang Tagapangulo at pambansang alagad ng sining, Virgilio S. Almario.
“Masasabi na ang pagtitipon ay pagsasanib ng lakas ng iba’t ibang disiplina upang pag-ibayuhin, maitayo mag-isa ang mga teknikal at siyentipikong larang gamit ang wikang Filipino,” ani Benjamin Mendillo, puno ng Sangay ng Salin, sa kanyang panimula bago ipaliwanag ang daloy ng tatlong araw na gawain.
Hinati sa dalawang bahagi ang unang araw ng Teachers’ Camp. Nagbukas ang rehistrasyon dakong 9:00 am, na sinundan ng pormal na pagbubukas ng palatuntunan at ang susing pananalita ni Kalihim Fortunato T. De la Pena ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.
Kasama sa unang bahagi ang paggawad ng Kampeon ng Wika at Ulirang Guro, maging ang launching ng Audio Visual Presentation ng KWF para sa taon 2016.
Ang kalahati ng araw ay bubuuin ng apat na sesyong plenaryo: Mga Pananaw at Hakbang sa intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino; Mga Saliksik at Karanasan sa Likas at Praktikal na Agham; Intelektuwalisasyon ng Filipino sa Batayang Edukasyon; at Pagsusuri sa Kurikulum ng Junior at Senior High School.
Bibigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na magkaroon ng malayang talakayan sa sesyon.
Sa unang bahagi ng pangalawang araw ng Teachers’ Camp, magkakaroong muli ng apat na sesyong plenaryo tungkol sa Intelektuwalisasyon sa iba’t ibang larang: Edukasyong Pangguro; Teknikal at Pang-agham; Ekonomiks; at Medisina. Katulad sa unang araw ay magkakaroon ng malayang talakayan.
Magsisimula ang sesyong paralel sa ikalawang bahagi, ng ikalawang araw ng camp, at doo’y paghihiwa-hiwalayin ang mga kalahok sa limang magkakahiwalay na sesyon, at doo’y kailangang gumawa ng balangkas ng Action Plan ang bawat grupo, maging ng mga kongkretong hakbang sa bawat disiplina.
Ang mga facilitator sa bawat sesyon ay pipili ng isang kalahok na siyang maglalahad kinabukasan ng awtput mula sa mga nailahad ay maglalagom ng mga talakayan at presentasyon ng mga kapasiyahan sa pangunguna ni Roberto T. Anonuevo, direktor heneral ng KWF.
Sa ikalawang bahagi ng huling araw, ang pagkakaroon ng ebalwasyon at impresyon sa mga delegasyon mula sa Luzon, Visayas at Mindanao, na susundan ng lagom sa hinaharap ng Wikang Pambansa sa Sistema ng Edukasyon sa pangunguna ni Dr. Michael M. Coroza.
Ang huling araw ng komperensiya ay pmamahalaan ni Ginang Purificacion Delima, komisyoner ng KWF.
“Inaasahan po namin na magiging makabuluhan ang pagtitipon sa Pambansang Kongreso 2016. Ang kaayusan at tagumpay ng programang ito ay hindi lamang nakasalalay sa mga namamahala, kundi sa inyong koordinasyon at pakikiisa sa mga tuntunin ng gawain na ito” ani Mendillo.
ni Kimbee Yabut