TUKOY na ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang mga lokal na opisyal sa likod ng malalaking operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Dela Rosa, ipinakita na sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang cabinet meeting sa Malacañang ang sinasabing listahan ng local chief executives na nagsisilbing protektor ng drug lords at sangkot din sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Dela Rosa, mahaba ang listahan na ipinakita sa kanila ng Pangulo ngunit hindi niya masabi kung ilan talaga ang nasa watchlist ng pangulo.
Habang tumanggi ang PNP chief na banggitin kung sino-sino ang kasama sa naturang listahan.
Aniya, si Pangulong Duterte na ang bahalang mag-anunsiyo sa publiko.
2 TULAK PATAY SA QC COPS
PATAY ang dalawang hinihinalang tulak ng shabu makaraan makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na drug operation kamakalawa ng gabi, iniulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat na nakarating kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dakong 6:30 pm nang mapatay sa operasyon ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs ng Batasan Hills Police Station 6 si alyas Machete makaraan lumaban sa mga operatiba nang malamang pulis ang kanyang katransaksiyon.
Habang dakong 8:00 pm nang maka-enkuwentro ng mga tauhan ng SAID ng Galas PS 11 ang hindi pa nakikilalang hinihinalang tulak na lumaban sa mga awtoridad imbes sumuko.
( ALMAR DANGUILAN )
DRUG PUSHER ITINUMBA NG CDS
PATAY ang isang lalaking hinihinalang dawit sa droga makaraan pagbabarilin ng riding in tandem na pinaniniwalaang mga miyembro ng Caloocan Death Squad sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktimang si Jemar Antifuesto, 30, residente ng NPC Road, Brgy. 166 ng nasabing lungsod.
Ayon kay PO3 Rhyan Rodriguez, naganap ang insidente dakong 8:00 pm kamakalawa sa harap ng Rosary Hills School sa Vista Verde Subdivision, Brgy. 167, Llano Road.
( ROMMEL SALES )
SUMUKO SA OPLAN TOKHANG PATAY SA AMBUSH
PATAY ang isang 65-anyos dating drug pusher na sumuko kamakailan sa “Oplan Tokhang” ng PNP, makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek kahapon ng madaling araw sa Pasig City.
Kinilala ang biktimang si Fernando “Nanding” Alfonso, 65, nakatira sa sa lungsod. Dakong 12:00 am nang tambangan ng mga nakamotorsiklo ang biktima sa Bernal St., Brgy. Rosario.
( ED MORENO )
OBRERO TODAS SA BUY-BUST
BINAWIAN ng buhay ang isang construction worker makaraan lumaban sa mga pulis at nagtangka pang mang-hostage ng sanggol, sa buy-bust operation sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang suspek na si Aaron Joseph Paular, 24, miyembro ng “Bahala na Gang” at residente ng Zamora Interlink, Sta. Mesa, Manila.
Sa ulat ni SPO2 Charles Duran, ng MPD-Homicide Section, dakong 12:01 am naganap ang insidente sa buy-bust operation sa madamong bahagi sa gilid ng riles ng PNR sa Zamora Interlink, sakop ng Brgy. 630, Zone 63, District VI, malapit sa bahay ng suspek.
( LEONARD BASILIO )