NAGSASAYANG ng maraming tubig ang Filipinas ngunit kung iipunin ang sampung porsiyento ng tubig na nasasayang makatutulong ito sa pagpapalaki ng produksiyon sa pagkain, ayon kay Gonzalo Catan, Jr., executive vice president ng Mapecon Green Charcoal Philippines.
Nadedesmaya si Catan na marami tayong nakukuhang tubig mula sa malakas na buhos ng ulan ngunit hindi tayo makapag-imbak nang sapat para sa tag-init, “What we see are photos in newspapers of large tracks of lands that are severely dried and cracking due to lack of water resulting in heavy agri losses worth billions of pesos. Rains are intended for the farms, not the sea,” aniya.
Hindi aniya ganito ang magiging kaso kung mayroon tayong epektibong management program.
Sa tulong aniya ng gobyerno, ang mga magsasaka ay maaaring magtayo ng water impounding mini dams katulad sa ilang bahagi ng Cordillera region na mayroong maliliit na impounding dams na magagamit para mapagaan ang epekto ng tagtuyot sa mga pananim.
Sa panahon ng tagtuyot, ang Cordillera region ay may bahagyang pinsala sa mga pananim dahil sa sapat na tubig mula sa impounding dams sa estratehikong bahagi ng mga ilog at maliliit na dams na itinayo sa tulong ng mga ahensiya ng gobyerno.
Ito aniya ang nagtitiyak nang patuloy na supply ng irrigation water pagsapit ng tagtuyot.