PINAALALAHANAN ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang publiko sa mahalagang paggamit sa nationwide 911 hotline.
Ginawa ng heneral ang paalala kasunod nang naitalang maraming bilang ng nanloloko o prank calls sa unang araw nang ‘activation’ ng 911 numbers.
Nagbanta ang PNP chief, malalaman ang mga tumatawag na ginagawang biro ang 911 at sila ay aarestohin.
Batay sa record ng PNP monitoring center, mula nang buksan ang 911 hotline dakong 12:01 am kahapon, umaabot na sa 2,475 calls ang natanggap.
Ngunit 75 tawag lamang ang lehitimo at umaabot sa 304 ang prank calls. Habang 1,119 ang drop calls.
Sa ngayon aniya, ang inisyal na magreresponde sa panahon ng emergency kung idaraan sa 911 ay mga pulis.
Tiniyak ni Dela Rosa, inalerto na rin ang 18 regional offices, 85 provincial offices, 1,100 city police offices at ang limang police districts sa Metro Manila sa mga pagresponde mula sa mga tawag na manggagaling sa publiko sa pamamagitan ng 911 hotline.