ISINUSULONG ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggamit ng wikang Filipino sa trabaho, media, at pagtuturo ng mga asignatura sa eskuwelahan.
Sa pagbubukas ng Buwan ng Wika sa tanggapan ng KWF sa Palasyo ng Malacañan kahapon, binigyang-diin ni Dr. Benjamin Mendillo, puno ng Sangay ng Salin at Publikasyon ng KWF, ang pagpasok ng Filipino sa sistema ng edukasyon bilang midyum nito.
Sa Pambansang Kongreso 2016 na gaganapin sa siyudad ng Baguio, tatalakayin ang mga layunin at benepisyo ng intelektuwalisasyon ng wika.
Ilan sa mga layunin ng Pambansang Kongreso ay “magamit na midyum ng pa gtuturo ang Filipino sa pagpapayaman ng nilalaman ng implementasyon ng K-12 curriculum” at mahikayat ang mga guro na gamitin ang wika.
Pag-aalala ng ilang journo sa press con, maaari raw humina ang abilidad ng mga estudyante sa Ingles kapag naipatupad ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagturo.
Ani Purificacion Delima, komisyoner ng KWF, ayon sa pananaliksik ay mas dadali ang pagkatuto ng bata sa ibang wika kung bihasa siya sa kanyang native language.
“Ang pagtaas ng Filipino ay hindi nangangahulugang pagbaba ng Ingles,” depensa ni Delima.
Sa kasalukuyan, may mga gurong purong Filipino ang ginagamit sa pagtuturo, ayon kay Mendillo.
Isang Dr. Pacheco ang gumagamit ng pambansang wika sa kanyang asignaturang matematika.
Ang mga terminolohiyang tulad ng “san,” “cos,” at “tangent” ay nabigyan niya ng katumbas sa Filipino.
Ganoon ang gustong ipalaganap ni Mendillo. Aniya, magtatalaga ng istandard na translasyon sa Filipino sa mga teknikal na salita sa matematika, agham, at engineering na gagamitin saan mang sulok ng bansa.
Malakas ang paniniwala ng komisyon na maipapanalo nila ang kanilang laban.
Gaganapin ang Pambansang Kongreso 2016 sa Agosto 3-5 sa Baguio City.
( JOANA CRUZ )