INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte, tatanggalin na ang party-list system sa bansa kapag nabago na sa Federalismo ang porma ng gobyerno.
Sinabi ni Pangulong Duterte, sobra na ang pagkaabuso sa sistema kaya bago sisimulan ang pag-amyenda sa Saligang Batas, igigiit niya ang pagtanggal sa party-list system.
Ayon kay Pangulong Duterte, sinasamantala ito ng mayayaman na bumibili o bumubuo ng party-list group para makaupo sa puwesto na isang malaking pambabastos sa batas.
Kahit makakaliwa kasali rin aniya sa party-list system at kung sino-sino pang may pera na mistulang hindi man lang iniisip ang mangyayari sa susunod na mga henerasyon.
KONTRA CON-ASS BINUWELTAHAN NI DUTERTE
BINUWELTAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bumabatikos sa binabalak niyang Constituent Assembly (con-ass) bilang paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
Magugunitang sinabi ng mga kritiko na ‘disadvantage’ sa taongbayan ang Con-ass dahil mga mambabatas rin anila na may kanya-kanyang pansariling interes ang bubuo ng Konstitusyon.
Sinabi ni Pangulong Duterte, mayroon siyang tiwala sa mga senador na ilang dekada nang inihahalal kaya nangangahulugang pinagkakatiwalaan sila ng taongbayan.
Ayon kay Pangulong Duterte, napakadaling magsalita at mistulang sila lang ang magaling, ang mga nag-aakusang magnanakaw ang mga mambabatas na uupo sa Con-ass.
Iginiit ni Duterte, naroon naman siya para bantayan ang Con-ass at hindi niya papayagang babastusin ng mga mambabatas ang Saligang Batas.
Kaya sa kanyang pagtimon, makaaasa aniya ang taongbayan na maka-Filipino, napapanahon at pakikinabangan ng sambayanan ang bagong Konstitusyon.