ITINAAS na ang anim lugar sa tropical cyclone signal number 1 bunsod ng Tropical Depression “Carina” ayon sa ulat ng weather bureau Pagasa kahapon.
Ayon sa Pagasa, napanatili ni Carina ang lakas, na may maximum sustained winds na hanggang 55 kilometro kada oras.
Habang palapit si Carina sa lupa, nadaragdagan ang mga lugar na inilalagay sa signal number 1.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Cagayan, Isabela, Catanduanes, Northern Aurora, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, at Samar.
Sa mga lugar na ito, inaasahan ang 30 hanggang 60 kph bilis ng hangin sa loob ng 36 oras.
Sinabi ng Pagasa, dakong 10 am kahapon, naispatan si Carina sa 175 kms east northeast ng Catarman, Northern Samar.
Kumikilos nang north-northwest sa bilis na 15 kph, si Carina ay inaasahang nasa 215 kms east ng Casiguran, Aurora sa Linggo ng umaga at 85 kms west ng Calayan Island, Cagayan sa Lunes ng umaga.
Sa pagtataya ng Pag-asa, si Carina ay lalabas sa Philippine area of responsibility pagsapit ng Martes ng umaga.
3 PROBINSIYA SA E. VISAYAS INILAGAY SA YELLOW ALERT
TACLOBAN CITY – Nakataas sa yellow alert status ang tatlong Probinsya sa Eastern Visayas bunsod sa storm Signal No.1 dahil sa bagyong Carina.
Dahil sa patuloy na nararamdamang pag-ulan ay nagdulot ito ng mga pagbaha sa ilang barangay sa Tacloban partikular sa Brgy. V&G, Tigbao at Norther Barangay.
Muling pinaalalahanan ng Office of the Civil Defense (OCD-8) ang mga mangingisda na delikado ang pumalaot dahil sa malalaking hampas ng alon gayondin ang mga nakatira sa coastal area at mga malapit sa bundok na mag-ingat sa posibleng landslide, flashflood at baha dahil sa patuloy na pag-ulan.
6 DOMESTIC FLIGHTS KINANSELA
KINANSELA ang anim domestic flights kahapon dahil sa bagyong Carina.
Ayon sa abiso ng NAIA information office, kabilang sa mga naapektohang biyahe ang Manila-Calbayog, Manila-Catarman, Manila-Masbate at return flights ng mga ito.
Sa pagtaya ng airline officials, maaari pa itong madagdagan sa mga susunod na oras kung lalakas pa ang bagyong Carina at ang dulot nitong pag-ulan.
Payo ng NAIA officials sa mga pasahero, agad makipag-ugnayan sa airline companies para sa pagpapa-rebook o kaya ay pag-refund nang naibayad na pamasahe.