INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Mike Sueno, may prima facie evidence na nakita ang probe team ang DILG sa dalawa sa tatlong active police generals na iniimbestigahan ngayon dahil sa pagkakasangkot sa illegal drugs.
Ang tatlong active police generals na sinasabing sangkot sa illegal drugs ay sina Police Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Edgardo Tinio at Chief Supt. Bernardo Diaz.
Ayon kay Sueno, may mga ebidensiya na silang nakuha mula sa dalawang heneral ngunit sa isa pang heneral, nagpapatuloy pa ang pagkuha nila ng mga ebidensiya dahil labas ito ng Metro Manila.
Binigyan ng 10 araw ang mga imbestigador para makakuha nang sapat na ebidensiya sa nasabing isa pang heneral.
Sinabi ni Sueno, dahil may prima facie evidence na laban sa dalawang heneral ay puwede silang sampahan ng kaso sa korte.
Sa panig ni retired General Marcelo Garbo, korte na aniya ang bahala habang ang kaso ni Daanbantayan Mayor Vicente Loot ay DILG na ang may hurisdiksiyon.
“Ang tatlong generals na still on duty ready na kami sa dalawa, kasi dalawa ang nandito sa NCR, so nakakuha na tayo ng mga ebidensiya. Pero roon sa isa dahil outside of Metro Manila. So ang latest na sumbong sa akin they are now gathering and definitely we will come up evidences against itong isang heneral,” wika ni Sueno.