BUBUO ang Department of Justice (DoJ) ng fact-finding committee na iimbestiga sa dalawang dating mataas na opisyal ng kagawaran na sinasabing nakinabang sa milyones na drug money mula sa high-profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP), at sangkot sa sinasabing korupsiyon sa pondo ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ang ibinunyag kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa ginanap na media briefing kaugnay sa Oplan: Digmaang Droga, nagpapatuloy na kampanya ng DoJ sa pagsugpo ng illegal drug trade sa loob ng state penitentiary.
Ayon kay Aguirre, ang probe committee ay kabibibilangan ng DoJ undersecretaries at state prosecutors.
“Umabot talaga sa DoJ — mataas. I don’t want to name names but we are going to come up with the results of the investigation. Nakita naman ninyo lahat kung gaano kaluwag ang treatment natin sa high-profile inmates. Parang sila ang bida dun, sila talaga ang nagmamando kung ano ang nangyayari dun,” aniya.
Dagdag ng kalihim, ilang NBP officers din ang itinumba sa utos ng ilang high-profile inmates.
Ang nasabing dalawang dating opisyal ng DoJ ay nakipagsabwatan aniya sa high profile NBP inmates para sa malaya nilang pagkilos sa loob.
Ang dalawang opisyal aniya ay pinahintulutan na ibaba sa P40 ang dating P50 budget sa daily meal para sa NBP inmates upang ang P240,000 “savings” kada araw ay kanilang maibulsa at ng iba pang mga kasabwat sa state penitentiary.