LEGAZPI CITY – Pumalo na sa 30,704 drug personalities ang boluntaryong sumuko sa rehiyon ng Bicol.
Sa huling tala ng Philippine National Police (PNP) Regional Office-5, 29,166 sa bilang na ito ang drug users habang 1,538 ang drug pushers.
Kaugnay nito, 18 na ang napatay sa isinagawang buy-bust operations habang 168 ang naaresto ng mga pulis.
Sa kabilang dako, sa nagpapatuloy na project “Tokhang” ng PNP, nasa 9,825 kabahayan ang kinatok ng mga awtoridad sa nasabing rehiyon.
DRUG SUSPECTS IPINARADA SA PANGASINAN
DAGUPAN CITY – Ipinarada sa “shame campaign” ng bayan ng Mangatarem sa lalawigan ng Pangasinan ang 500 sumukong drug dependents pasado 8:00 am kahapon.
Suot ang kulay puting damit, ipinarada sa bahagi ng Poblacion area ang unang batch ng sinasabing drugs users na sumuko bitbit ang mga plakard at streamers na sila’y nangangakong hindi na babalik sa maling gawain.
Ilang opisyal ng barangay ang nakibahagi sa parada bilang suporta sa kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
Ganito rin ang ipinatutupad sa Tanauan, Batangas ni Mayor Antonio “Thony” Halili.
HONOR STUDENT PATAY SA VIGILANTE GROUP SA MANAOAG
HUSTISYA ang hiling ng mga kaanak ng isang babaeng estudyante na pinaniniwalaang nadamay lang sa serye ng pagpatay sa mga sangkot sa droga sa Dagupan at Manaoag, Pangasinan noong nakaraang linggo.
Isang honor student at miyembro ng church choir ang biktimang si Rowena Tiamson kaya imposible anilang sangkot siya sa ilegal na droga.
Gamit ang hashtag na #JusticeForRowena, maraming social media users ang nanawagan ng katarungan para sa estudyanteng sinasabing biktima ng ‘mistaken identity.’
Habang kinompirma ng Philippine National Police (PNP) na wala sa ‘drug watchlist’ si Tiamson.
Wala pang matukoy ang PNP na responsable sa pagpatay sa biktimang magtatapos na sana ng kursong Mass Communication sa Oktubre.