MARAMI na ngang nabago simula nang maupo ang Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Hindi lang literal na pagbabago ang nangyayari kahit na mag-iisang buwan pa lamang ang pangulo sa posisyon kundi maraming pisikal na pagbabago sa paligid natin.
Mula sa Palasyo hanggang mababang kapulungan ng Kongreso, pawang mulang Mindanao ang mamumuno – si Digong bilang Pangulo ng bansa, Mataas na Kapulungan ng Kongreso si Senator Koko Pimentel bilang pangulo; at Mababang Kapulungan si 1st Davao del Norte Congressman Pantaleon Diaz Alvarez bilang House Speaker.
Opo, masasabing bago na ang mga mamumuno sa mga sensitibong posisyon sa bansa – tanging aabangan na lamang natin ay tunay na pagbabago na makatutulong sa pag-asenso ng bawat Filipino sa bagong pamunuan.
Sa totoo lang, tanging inaasahan ng bawat salat sa kahirapan sa tuwing may bagong halal na pangulo ay aasenso na ang kanilang buhay. Sa ngayon, bagamat nakikita natin na maganda ang naging simula sa pamumuno ni Pangulong Digong, hindi pa natin masasabing bawas na ang bilang ng lumobong bilang ng kahirapan sa mga nagdaang administrasyon.
Kunsabagay, hindi pa man masyadong nakapokus ang administrasyon ngayon sa ekonomiya ay masasabing tanggap muna ito ng mamamayan dahil nakikita ng nakararami na nasa tamang pamamalakad na ang Pangulo – ang unahin muna ang isa sa nagiging sagabal sa pag-angat ng ekonomiya. Ang masugpo ang kriminalidad partikular na ang problema sa ilegal na droga.
Tama ang paniwala ni Pangulong Duterte na kapag nasugpo ang talamak na problema sa droga, susunod na ang pag-asenso ng ekonomiya. Maraming papasok na investors sa bansa.
Hindi lamang pangkalahatang malalaking negosyo ang aasenso kundi magiging ang maliliit na negosyo.
Nang maupo si Pangulong Digong, isa sa mahigpit na ipinag-utos niya kay PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang sugpuin at all cost ang problema sa droga.
Hindi naman binigo ni Gen. Bato si Pangulong Digong, sa tulong ng kanyang mga heneral, regional directors, provincial directors, district directors down to PO1 katulong ang LGU lalo na ang barangay, sa pagtunton sa mga tulak ng droga sa bawat sulok ng bansa.
Small time at bigtime, mapa-pulis ang mga tulak ay tablado sa lahat nang isinagawang police operations laban sa droga. Ang resulta ng sinserong operasyon ay marami-raming drug pushers, kinabibilangan ng mga most wanted drug personalities ang naaresto habang mahigit naman sa 250 ang napapatay.
Hindi lamang ito, kundi ang resulta ng patuloy na operasyon ay daang libong drug pushers, couriers, runners at users ang sumuko sa PNP sa tulong ng LGU. nangakong magbabago habang ang mga bumalik sa pagtutulak matapos na sumuko ay minalas nang mapatay sa operasyon makaraang manlaban.
Hindi lang napasuko o napatay kundi marami rin nabuwag na gawaan ng shabu at ang pinakahuli nga ay sa Valenzuela City. Isa sa kilalang drug lord ang napatay nang salakayin ang kanilang gawaan ng shabu bukod sa pagkakaaresto ng kapwa niya Chinese nationals.
Yes, tunay na ngang dumating ang pagbabago, bumaba na ang kaliwa’t kanang holdapan na kinasasakutan ng mga riding-in-tandem, tila lumalabas na sila-sila rin ang mga napapatay na tulak o sumuko. Marahil ilan din sa kanila ay nag-lay low na sa takot na mapatay lalo na kapag sila’y police asset na maraming nalalaman sa sekreto ng mga pulis na scalawag.
Oo wala pa man tayomh nababalitaang asenso na ang ekonomiya, susunod na ito dahil nga pinapatay muna ang mga negosyong taliwas na kinakatakutan ng investors.
Kaya kapag tuluyan nang masugpo ang droga sa loob ng 3-6 buwan, malamang ekonomiya na ang susunod nang aasenso.
Kaya hintay-hintay lang po tayo sa pangakong change – parating na po ‘yan. Sa ngayon, makiisa muna tayo sa pagsugpo sa mga nagiging sagabal sa pag-asenso ng bansa.
Habang isinusulat ito, dakong 11:00 am, 5 oras pa para magtatalumpati na si Pangulong Digong para sa kauna-unahan niyang SONA.
Pero nakatutuwa ang nangyari kahapon sa Commonwealth Avenue at IBP Road, daang papuntang Kongreso, walang harangan na nangyari laban sa mga raliyista. Hinayaan lamang silang makalapit sa Kongreso sa kautusan ni PDU30.
Bahagi na rin ba ito ng pagbabago? Malalaman natin iyan next year kung papayagan pang makalapit ang mga raliyista sa Kongreso sa 2nd SONA.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan