ISANG maayos ang hitsurang nag-guest ang singer-actor na si Jay-R Siaboc sa Cristy Ferminute noong Martes, kasama ang kanyang live-in partner na si Tricia at kanilang three year-old na anak na si Haley.
Kamakailan ay naiulat na boluntaryong sumuko si Jay-R sa mga alagad ng pulisya sa Toledo City, Cebu kabilang ang mahigit 500 pang mga umano’y drug user at pusher doon.
Nasa himpilan si Jay-R ng Radyo Singko para linawin lang ang lumabas na balita. Una, hindi raw boluntaryong pagsuko ang kanyang ginawa, kundi pagsadya sa estasyon ng pulis para linisin ang kanyang pangalan.
Aniya, tatlong taon na raw siyang hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ikalawa, hindi raw totoong kabilang siya sa watch list na nasa pag-iingat ng pulisya.
Ang totoo, he was on drugs taong 2010, noong mga panahong ikina-depress niya ang kawalan ng trabaho sa ABS-CBN kung kaya’t umuwi siya sa kanilang bayan sa Cebu.
Hindi rin daw naging madali ang kanyang naging buhay doon. Naroong kumita lang siya ng konti para sa pamilya, kahit magkano na lang ang ibayad sa kanya sa ilang gabing pagkanta ay pinapatulan niya.
Peer pressure o pambubuyo ng tropa, ito raw ang nagtulak sa kanya sa bisyo. Pero dumating din daw ang panahong napag-isip-isip niya na talagang walang patutunguhan ang kanyang pagkagumon sa droga, ‘yun ‘yong panahong isinilang na sa mundo ang kanyang anak.
Sa ngayon, Jay-R is back to normal. At laking ganda nga ang resulta ng kanyang voluntary surrender, napaluwas kasi siya sa Maynila sa mga kaliwa’t kanang TV interviews.
Sa parte naman ng itinuturing niyang nanay sa showbiz na si Tita Cristy, hindi matatagalan at muli nang masisilayan si Jay-R doing what he loves best and does best: ang pag-awit kakambal ng pag-arte.
Kaya sa mga tagahanga ng mahusay na mang-aawit na sa kabila ng kanyang pamamahinga ay nariyan pa rin, good news…nalalapit na ang pagbabalik ni Jay-R Siaboc!
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III