INILABAS na ng Supreme Court ang desisyon sa pagpapawalang sala kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kinakaharap na kasong plunder kaugnay sa sinasabing paglustay sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nangangahulugan itong nalagdaan na ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang desisyong inilabas nitong Martes.
Ayon kay SC Clerk of Court Atty. Felipa Anama, dakong 1:18 pm kahapon nang matanggap nila ang kopya ng desisyon kasama na rito ang ‘dissenting’ at ‘concurring opinion’ ng ilang mahistrado ng SC.
Agad dinala ang kopya ng desisyon sa Sandiganbayan na magpapatupad nito.
Ito ang inihayag mismo ni Atty. Laurence Arroyo, abogado ng dating pangulo na nakaabang sa SC.
Kapag natanggap na ng Sandiganbayan ang kopya ay maipatutupad na ang utos na agarang pagpapalaya sa dating pangulo ngunit posibleng makipag-ugnayan pa ang SC sa pulisya para sa pagpapatupad ng kautusan.
ARROYO ‘DI TATANTANAN NG OMBUDSMAN
BINALEWALA ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang panawagan ng ilan na bumaba na siya sa puwesto kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang kasong pandarambong na isinampa laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Morales, hindi kailangan palakihin pa ang isyu at huwag isisi sa prosecutors ang pagbaligtad ng mga hukom ng Supreme Court (SC) sa desisyon.
Giit ni Morales, malakas ang kanilang isinampang kaso laban sa dating pangulo at ginawa nila ang lahat para maipanalo ito.
Hindi na nagbigay ng komentaryo ang pinuno ng anti-graft body sa desisyon ng SC justices, bilang respeto sa dati niyang mga kasamahan.
Sa ngayon, pinag-aaralan na ng Ombudsman ang susunod na kasong isasampa laban kay Arroyo kaugnay sinasabing maanomalyang paggamit ng confidential intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula taon 2004 hanggang 2007.
Una nang sinabi ni Morales, pinag-aaralan na ng Office of the Ombudsman na maghain ng ‘motion for reconsideration’ kaugnay sa pagbasura ng Supreme Court (SC) sa kasong plunder laban kay Arroyo.
Dahil dito, sinimulan na ng Ombudsman na pulungin ang mga miyembro ng public prosecutors ukol sa kaso.
Inamin niyang desmayado ang kanilang mga tauhan sa pangyayari, ngunit hindi nasisiraan ng loob sa paghawak ng mga kaso.