Monday , December 23 2024

Sa plunder case: acquitted si GMA, si Erap convicted

00 Kalampag percyMAHIRAP na talagang agawan si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada ng titulo bilang convicted plunderer na napatalsik sa puwesto ng EDSA People Power II noong 2001.

Malabo nang matupad ang inaasam ni Erap na burahin sa kasaysayan na bukod-tanging siya lang sa mga naging pangulo ng bansa ang nahatulan ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong.

Minsan na niyang itinulad ang sarili sa kagitingan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio at ng dakilang South African leader na si Nelson Mandela para magmukha siyang dakila.

Matapos niyang hamakin at insultohin ay nagawa pa niyang ikompara ang sarili kay Pang. Rodrigo Duterte kasunod ng pagkapanalo laban sa mga minanok na kandidato ng kanyang angkan na sina Sen. Grace Poe, ex-VP Jojo Binay at dating DILG Sec. Mar Roxas sa nakaraang 2016 presidential elections.

Ngayon naman ay ginamit niya ang pagkaka-absuwelto ng Korte Suprema kay dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo para muling makapaghasik ng kasinungalingan.

Kesyo pareho raw sila ng naging kapalaran ni GMA na ikinulong kahit walang napatunayan na nagkasala sa kasong pandarambong.

Muntik na naman tayong mahulog sa upuan sa walang kagatol-gatol na pagsisinungaling ni Erap.

Pero ang totoo, si GMA ay kinasuhan ng plunder ng administrasyong Aquino para makulong bilang paghihiganti matapos isailalim sa agrarian reform ang Hacienda Luisita ng mga Cojuangco.

Ni minsan ay hindi nagkaroon ng pagdinig ang Sandiganbayan sa kaso ni GMA at walang sapat na ebidensiyang naipakita ang gobyernong Aquino upang idiin siya sa paratang na nakipagsabwatan sa matataas na opisyal ng PCSO para lustayin ang P365-M intelligence fund ng ahensiya.

Sa katunayan ay naunang inabsuwelto ng korte ang tatlong co-accused ni GMA na dating PCSO officials at pinayagan naman makapagpiyansa ang ibang akusado.

Ibig sabihin, pinapayagan sa batas na makapag-piyansa ang sinomang akusado sa anomang non-bailable offense tulad ng plunder kapag mahina ang ebidensiya.

Ibig sabihin, sa umpisa pa lang ay alam na ng korte na walang patutunguhan ang kaso at itinengga talaga si Gloria sa ospital.

Ang mahinang ebidensiya sa kaso laban sa kanya ang dahilan kung bakit tinanggihan ni GMA ang alok ni Pang. Rody na gawaran siya ng pardon.

Naging pinal naman ang hatol kay Erap dahil siya mismo ang nagkusang kilalanin ang hatol sa kanya at kusa niyang isinuko ang karapatang iapela sa Korte Suprema ang desisyon ng Sandiganbayan.

Anim na taon nilitis si Erap sa mahigit apat na bilyong pisong plunder case at siya ay nahatulang GUILTY ng Sandiganbayan.

Ang kababatang Carlos Arellano, president at chairman ng SSS noong 1999, ay tumestigo laban kay Erap na pinilit siya para gamitin ang P900 milyong pondo ng SSS upang ipambili ng shares ng Belle Corporation, isang korporasyon na sangkot sa jail-alai at pagmamay-ari ni Dante Tan na presidential crony.

Inamin din sa hukuman ni Federico Pascual, pangulo ng GSIS noong 1999, na siya man ay inutusan din ni Erap na ipambili ng shares ng Belle Corporation ang P864.7 milyong pondo ng GSIS.

Sa dalawang illegal na transaksyon kumita ng ganansiyang P189.7 milyon si Erap kaya ang GSIS at SSS ay nalugi.

Napatunayan sa Sandiganbayan na ang Erap Muslim Youth Foundation ay front lamang o isang prenteng organisasyon na itinatag ni Erap para pagtaguan ng P200 milyong jueteng protection money at wala namang proyekto o programang naipatupad para sa mga kabataang Muslim, kaya’t kasama ito sa ipinakompiska ng anti-graft court.

Taliwas sa ipinagyayabang ni Erap, hindi humingi ng tawad ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa kanya dahil sa paglahok sa EDSA 2, batay sa pahayag mismo ng CBCP noong Hunyo 17, 2008.

Kung ipinagmamalaki niyang humingi ng tawad sa kanya si dating Pang. Cory Aquino, ito ay personal dahil tanging hukuman lamang ang puwedeng makapagpabago sa hatol sa sinomang nagkasala sa batas at maaaring magsabi kung may kasalan o wala ang akusado.

Ang dapat kay Erap ay painumin ng isang truck na bitaminang memory enhancer para hindi magmistulang nag-uulyanin sa kahahabi ng kasinungalingan.

Kung ako si GMA ay hindi ko papayagang ikompara ni Erap ang sarili sa kanya dahil hindi naman siya convicted.

Hindi sumisimpatiya si Erap sa kanyang naging pahayag sa pagkaka-absuwelto ng Korte Suprema kay GMA kundi idinidiin niya ito para lumitaw na kahati niya sa titulong convicted plunderer.

PCSO INTEL FUNDS OFW BLOOD MONEY, HINDI DINAMBONG

HINDI nagsabwatan ang mga dating opisyal ng PCSO at si GMA para lustayin ang P365-M intelligence funds ng PCSO, ayon kay dating PCSO chairman Manoling Morato.

Sa panayam kay Morato sa malaganap na programang Lapid Fire ng 8Tri TV sa Channel 7 ng Cablelink at sabayang napapakinggan sa DZRJ-Radyo Bandido (810 kHz) kamakalawa, isiniwalat ni Morato na inilaan at ginamit ang naturang pondo para iligtas ang buhay ng OFWs noong panahon ng administrasyong Arroyo.

Ipinag-utos ni GMA na gamitin ang pondo para ipambayad na blood money sa mga pamilya ng biktima ng OFWs na nahatulan ng kamatayan sa iba’t ibang bansa.

Kompleto aniya ito sa resibo na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang halaga kaya noong administrasyong Arroyo ay walang nabitay na OFW.

Maging ang Commission on Audit (COA) ay walang natuklasan na anomalya sa kanilang administrasyon sa PCSO.

Tinukoy ni Morato ang grupong Akbayan na nakipagkutsabahan kay dating PCSO Chairman Margie Juico para kasuhan sila upang magpasiklab kay PNoy na sila ang makapagpapakulong kay GMA.

Nagpalsipika aniya ng mga dokumento para idiin sila sa krimen na hindi naman nila ginawa.

Sa susunod na issue ay ilalahad natin ang mga maanomalyang transaksiyones na pinasok ng administrasyong Juico sa PCSO, ayon na rin sa isinalaysay ni Morato.

Abangan!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *