TINIYAK ng China sa pamamagitan ng kanilang embahada sa Maynila na hindi nila kinokonsinti ang mga kababayang sangkot sa ilegal na droga.
Reaksiyon ito ng Chinese Embassy makaraan ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na balak niyang iparating sa China ang kanyang sama ng loob kaugnay sa pangunguna ng Chinese nationals sa paggawa at bentahan ng ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ni Lingxiao Li, spokesperson ng Chinese Embassy, ang ilegal na droga ay kalaban ng sangkatauhan at ang kampanya laban dito ay responsibilidad ng lahat ng bansa.
Ayon kay Lingxiao, pursigido ang Chinese government sa drug control at pagparusa sa drug criminals kahit ano pa ang nasyonalidad.
Nauunawaan at suportado raw ng China ang maigting na laban ni Pangulong Duterte sa drug-related crimes.
Katunayan, nag-alok na ng kooperasyon ang kanilang gobyerno sa Duterte administration at nais magkaroon ng joint action plan sa Filipinas para masugpo ang pamamayagpag ng ilegal na droga.