MAHIGPIT ang bilin ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa SAF troopers na magbabantay sa New Bilibid Prison (NBP), na huwag magpasilaw sa mga suhol o bribery.
Tiniyak ni Dela Rosa, sa sandaling malaman niya na isa sa kanila ay gumawa ng kabulastugan, mananagot sila sa kanya.
Bago pa man nag-umpisa sa kanilang trabaho, kinausap muna ni Dela Rosa ang SAF troopers sa harap ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre.
Hiniling niya na huwag ipahiya ang kanilang uniporme, siya na kanilang PNP chief, at si Pangulong Rodrigo Duterte.
Idineploy ang elite force ng PNP sa Bilibid para hindi makapamayagpag ang nakakulong na drug lords sa kanilang illegal drug trade.
Isang batalyon ng PNP SAF ang dumating kahapon nang umaga sa national penitenciary.
Mananatili dalawa hanggang tatlong buwan ang police commando sa Bilibid.
Nakatakdang isailalim sa ‘retraining’ ang lahat ng jail guards na nakatalaga sa NBP.
Samantala, makatutuwang ng PNP SAF sa pagbabantay sa Bilibid ang mga miyembro ng Philippine Marines.