NAG-ALOK ang drug lords ng P50 milyon para ipatumba si Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraan tumanggi siya sa malaking suhol, pagbubunyag kahapon ng kalihim.
Inihayag ito ni Aguirre kasabay ng pormal na pag-takeover ng 300 Special Action Force (SAF) sa NBP.
Ito ay may kaugnayan sa kampanya ng Duterte administration na masugpo ang droga sa national penitentiary.
Ayon kay Aguirre, nakatanggap siya ng impormasyong sinikap ng drug lords na makaipon ng pondo para masuhulan siya ng P100 milyon.
Kapareho aniya ito ng halagang sinasabing isinuhol ng drug lords sa mga opisyal ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa nakaraang eleksiyon.
“Big drug lords have already wanted to pool their resources so they can offer me P100 million but they could not offer me because I can’t be corrupted and so they hired somebody to kill me for P50 million. The threat is very fresh,” aniya.
Aniya, masasabi niyang ang Bureau of Correction ang “most corrupt organization in the bureaucracy,” base sa kanyang panayam sa dating BuCor officials, security guards at gayondin sa mga preso.