SALAMAT po Pangulong Digong Duterte.
Bakit, ano’ng meron?
Hindi ba maituturing na malaking tulong sa mamamahayag ang kamakailan ay binuong Task Force “Superbody” na hahawak sa mga kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag sa bansa?
Ibig bang sabihin nito, makakamit nang mga napaslang na mga kasamahan sa hanapbuhay ang katarungan?
Well, speaking of Pangulong Digong, basta’t siya ang bumuo o nag-utos, marahil wala pang 24 oras ay maaaring solve na ang kaso o tukoy na kung sino ang nasa likod ng krimen. Kita nga po ninyo, nauubos na ang tulak sa bansa.
Isa pang ibig sabihin nito, malamang na gagawin at sisikapin ng TF ang lahat para sa agarang pagkakamit ng katarungan para sa biktimang mediaman.
Salamat din po sa inyo sir katotong Presidential Communications Sec. Martin Andanar. Hindi mo man nababanggit na isa ka sa nasa likod ng pagbuo ng superbody, naniniwala ang pamilyang mamamahayag na malaki ang naging bahagi mo sa pagbuo.
Talagang pusong media ka pa rin po sir! I salute you!
Anyway, ang TF ayon kay Andanar ay binubuo ng iba’t ibang law enforcement agencies at mga kinatawan mula sa iba’t ibang media organizations.
Dagdag ni Andanar, kasalukuyan nang ginagawa ang draft ng isang administrative order sa pagbuo ng superbody na siyang tututok sa pagpatay sa mga journalist.
“The Presidential Communications Office, together with the Office of the Executive Secretary is currently drafting an administrative order to define the parameters of the Presidential Task Force,” pahayag ni Andanar sa mga napaulat niyang statement.
Nangako rin si Andanar na kanilang isusumite ang draft kay Pangulong Duterte bago ang kauna-unahang State of the Nation (SONA) ng Pangulo sa Hulyo 25 sa joint session ng Kongreso na gagawin sa Kamara.
Salamat po uli sir Andanar.
Ang magiging trabaho ng TF – siyempre lulutasin ang kaso. Hehehe – ang trabaho ng TF ay pagtukoy ng motibo sa likod ng pamamaslang at mag-host ng regular media summit para matalakay ang mga isyu at hinaing ng mga mamamahayag.
Wow! Napakagandang programa para sa mamamahayag – isang maituturing na sorpresa ito sa amin. Hindi po ba, bago maupo sa Palasyo si Bossing Digong ay medyo nagkaproblema sa pagitan ng Pangulo at ng media sector dahil sa panawagan ng international media group na Reporters Without Boarders na i-boycott ang mga prescon ni Pangulong Digong?
Hindi naman tumalima ang Philippine media sa panawagan. Pinili pa rin ng grupo na ikober ang lahat ng aktibidad ng Pangulo.
Uli hindi pa man nabubuo o natatapos ang mga alituntunin na magiging gabay ng TF, naniniwala ang pamilyang mamamahayag sa bansa na kayo’y sasang-ayon sa lahat para naman makamit agad ng isang napaslang na mamamahayag ang katarungan.
Salamat po uli, Sir Pangulo at sa inyo Sec. Andara.
Pero hindi ba mas maganda rin kung isama na rin sa trabaho ng TF ang mapigilan ang anomang plano ng masasamang elemento laban sa isang mamamahayag.
Iyong bang masawata agad para walang buhay na mabuwis?
Anyway, mangyayari lang ito – ang masawata ang anong planong pagpaslang sa isang mamamahayag kung ipapaalam agad ng supposed victim ang lahat sa TF – ang pagbabanta sa buhay etc., para mabigyan ng security o ‘di kaya mamamanmanan na ng superbody ang mga puwede rin paghinalaan o suspek.
Hindi po ba sir, mas okey kung masawata na lang ang lahat kaysa…
AKSYON AGAD – Almar Danguilan