NAGKUKUMAHOG na ang mga garapata ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada kung paano paluluwagin ang daloy ng trapiko sa Maynila.
Madaling araw pa lang ay winawalis na raw ang Claro M. Recto (Divisoria) at sa Rizal Avenue, Carriedo Street hanggang Ronquillo Street, sa Sta Cruz, Maynila, bagay na ngayon lang naisipang gawin ni Erap sa loob ng tatlong taon.
Ganyan din ang ginagawa nila sa Quezon Blvd., Quiapo, Maynila at Pedro Gil Street, Ermita, Maynila, binubuwag ang mga “customized orange stall” na pinaupahan ng administrasyong Estrada sa mga vendor pero pagdating ng hapon ay balikan na naman.
May impormasyon na umaabot sa P300-M kada buwan ang koleksiyon sa mga vendor mula sa Divisoria, Sta. Cruz, Quezon Blvd., Quiapo at sa Ermita, Maynila na kinikikil nina Tabatsoy Viceo at M. Santos.
Nakarating raw sa Malacañang na kaya hindi matagumpay ang sinasagawang clearing operation ng MMDA ay nakasasagabal sa kanilang operation ang mga hawla ng vendors na kasapi ng “Organized Vending” ng de facto mayor ng Maynila.
Kaya ang naisip daw na solusyon ng Palasyo para wakasan na ang kalbaryong dulot ng masikip na mga kalsada ay bigyan ng isang linggong ultimatum ang kampo ni Erap para linisin ito.
Kung totoo man ito, ang tanong hanggang kailan susunod si Erap sa Palasyo?
Abangan na lang natin kung paano huhukuman ng Palasyo si Erap.
CHINESE DRUGLORDS SAMPOLAN NG PNP
MAS marami ang matutuwa sa kampanya ng gobyernong Duterte kontra-illegal drugs kung makakakita rin ang mga Pinoy na nakabulagtang mga Chinese druglord.
Tutal naman ay nagpahayag na ang China na tutulong sa naturang kampanya ng Filipinas.
Nag-react ang Chinese government sa sinabi ni Pres. Rody na uungkatin niya sa China kung bakit ang marami sa mga mamamayan nilang pumapasok sa bansa ay sabit sa drug trafficking.
Sabi ni Pres. Rody, mahuli at mahatulan man sila ay nagluluto pa rin ng shabu kahit nasa kulungan.
Ayon naman sa China, malupit ang parusa nila sa mga sangkot sa illegal drugs, kamatayan at kahit ano pa ang nationality.
Kaya nga ilan sa mga kababayan natin ang nabitay na dahil sa mga kasong drugs doon.
Puwes, kung kayang patayin ng China ang mga Pinoy na drug trafficker ay kamatayan din ang dapat na kapalaran ng mga Chinese na nagpapakalat ng shabu sa ating bansa.
INILAGAY SA HDO MAG-AMANG BINAY
HINDI na puwedeng lumabas ng Filipinas ang mag-amang Jojo at Jun-jun Binay, ayon sa Sandiganbayan.
Inutusan ng anti-graft court ang Bureau of Immigration na maglabas ng hold departure order (HDO) laban sa mag-amang Binay na nahaharap sa mga kasong graft, malversation of public funds at falsification of public documents.
Tsk, tsk, tsk! Ang mga dating nagtatampisaw sa kapangyarihan ngayo’y parang mga dagang naghahanap ng lunggang mapagtataguan.
LAYA NA SI GMA
SA botong 11-4 ay nagpasya ang Korte Suprema na ibasura ang kasong plunder laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Isa tayo sa matagal nang kombinsido na dapat na talagang palayain si GMA dahil ang akusasyon sa kanya at sa mga dating opisyal ng PCSO na nagsabwatan sila para lustayin ang daan-daang milyong pondo ng PCSO ay malabo pa sa tubig-kanal.
Katunayan, matagal nang pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa ang mga co-accused ni GMA kaya ang ibig sabihin ay mahina ang ebidensya laban sa kanila.
An act of one is an act of all, ‘yan ang conspiracy theory.
Kaya kung pinalaya ang isa, dapat ay palayain ang lahat.
Hindi lang natin alam kung ikinonsidera ng SC ang opinyon ng UN Technical Working Group (TWG) on Arbitrary Detention na labag sa international law ang pagkakapiit kay GMA pero minaliit ito ni PNoy para mabulok sa Veterans hospital nang hindi naman nililitis.
May karapatan ang sinomang inaakushan sa kung tawagin sa batas ay “right to speedy trial.”
Matatandaan na si international human rights lawyer Amal Clooney pa ang nagdulog sa situwasyon ni GMA sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Sana naman, sa susunod ang mga hindi kontrobersiyal na kaso ang aksiyonan ng Korte Suprema para maniwala ang tao na ang hustisya ay para sa lahat, maliit man o makapangyarihan.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid