NAPANOOD na namin iyong initial eposide ng bagong show sa GMA, isa lang ang masasabi namin. Doon sa nakita namin, hataw ang kanilang mga optical. Iyang ganyang klase ng computer generated images ay nakikita lamang sa mga malalaking fantasy movies ng US.
Maihahalintulad mo ang optical effects nila roon sa mga pelikula ni Harry Potter. Iyong isang war scene, akala mo nanonood ka ng Star Wars. Bagamat inaamin nila na ang peg talaga ay iyong Game of Thrones.
Nakiusap sila bago inilabas ang initial episodes, sana raw wala namang kumuha ng video sa big screen, kasi baka nga naman maapektuhan ang kanilang ratings kung ise-share agad sa internet kagaya ng nangyari roon sa isang pelikula. Pero iba ang paniwala namin eh. Kung mapipirata sila at ilalabas ang initial episode na iyon sa internet, makatutulong pa ng malaki dahil oras na makita mo iyon, baka nga maghanap ka kung sino ang may malaking TV, iyong widescreen talaga para roon mo mapanood.
Sayang kung iyan ay mapapanood mo lamang sa maliit na TV at lalo na kung sa cell phone. Ang ganda niyong opticals eh. Mapapanganga ka sa panonood.
Iyong labanan niyong reyna at ni Adhara na ginampanan naman ni Sunshine Dizon, ang tindi. Ganoon din naman iyong giyera ng mga taga-Hatoria laban sa hukbo ng Saphiro at Lireo. Ang tindi niyong opticals niyon. Sigurado CGI iyon. Huwag naman ninyong sabihing kumuha sila ng ilandaang extra para gawin ang war scene na iyon.
Kung mapapanood mo iyon, matutuwa kang isipin na ang layo na pala ng narating natin sa paggawa ng mga ganyang panoorin. Hindi na tayo gumagamit ng tinatawag na “camera trick”. Ang layo na ng teknolohiya natin mula sa mga nakagisnan nating “glass shots”. Ewan kung gumagamit pa ba sila ng “miniatures”. Ang tindi ng opticals eh.
Sabi nga namin nakaiinis eh, kasi TV series pa iyan. Hindi pa ginawang pelikula. Pero anyway, kausap na namin ang isa naming kaibigan na may 100 inch TV, para roon namin panoorin iyon.
HATAWAN – Ed de Leon