Monday , December 23 2024

PNP Dir. Gen. ‘Bato’: ‘Hulidap cops’ sa MPD nagtatanim ng ‘damo’

00 Kalampag percyALAM na kaya ni PNP Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang bagong modus ng ilang tiwaling miyembro ng Manila Police District (MPD) kaugnay ng kasalukuyang kampanya kontra illegal drugs?

Ang bagong modus daw ng mga hulidap na parak ay taniman ng marijuana ang kanilang bibiktimahin, kalimitan ay mga estudyante sa De La Salle University at College of St. Benilde sa Maynila.

May mga kinakasabwat silang empleyado ng ilang establisyemento na malapit sa mga nabanggit na paaralan.

Kamakailan lamang, may bumili sa isang kilalang coffee shop at pagkatapos niyang magbayad ay sinabihan siya ng cashier na: “Ma’am, naiwan nu’ng lagi niyong kasama itong supot.”

Kahit nagtaka ang babae ay nakombinse pa rin siya na kunin at dalhin ang supot.

Paglabas niya ng sikat na coffee shop, dito lumapit sa kanya ang pulis na sumita sa kanya.

Marijuana pala ang laman ng supot kaya sa takot na madakip ay wala siyang nagawa kundi makipagtawaran sa pulis para hindi makalaboso.

Ang lagayan ay depende sa kapasidad ng biktima dahil hindi naman lahat ng nag-aaral sa mga nabanggit na eskuwela ay mayayaman.

Dapat sigurong makarating din ito pati sa kaalaman ng coffee shop management na napasok sila ng mga empleyadong kasabwat sa katarantaduhan ng mga hindoropot na lespu.

Posibleng may masamang epekto rin ang kampanya kontra ilegal na droga dahil gutom na ang mga police scalawag.

Narinig ko na minsan ang kademonyohang ito na ginagawa naman sa taxi ng ilang walanghiyang driver.

Dapat makarating ito sa kaalaman ng lahat, lalo sa may mga anak na nag-aaral at payuhan sila na huwag na huwag maeengganyong humawak, magbitbit at magdadala o kahit humipo man lamang ng ano mang bagay na hindi naman kanila.

PLUNDER VS. LIBEL

SINAMPAHAN kamakailan ng APO Unit Production Employees Association ng P191-M plunder case sa Ombudsman ang matataas na opisyal ng kanilang ahensiya, kasama na si dating Communications Secretary Sonny Coloma.

Batay sa reklamo, illegal ang pagkuha ng 11 sales specialists para ilako ang printing business ng APO dahil ito’y government owned and controlled corporation (GOCC) na may regular na mga parokyano gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Office (LTO) at Land Registration Authority (LRA).

Sa nakalipas na limang taon ay kumita ng komisyon na P191-M ang 11 sales specialists.

Pero hindi pa man umuusad ang kasong plunder sa Ombudsman ay uunahan nang sampahan ng kasong libel ng mga akusado ang mga unyonista ng APO.

Tsk tsk tsk! Parang style ni dating VP Jojo Binay ito ah, kinasuhan ng libel si Sen. Antonio Trillanes IV nang ibulgar ang mga anomalyang kinasangkutan niya sa Makati City.

Mukhang ito na ang magiging kalakaran kapag pinapanagot ang mga opisyal ng gobyerno, palilitawin nila na paninirang puri ang pagsasampa sa kanila ng kaso para lumabas na malinis sila.

Ang siste pa, mas mabilis umarangkada ang kasong libel kaysa ang mga kasong may kinalaman sa katiwalian.

Nagsususpetsa tuloy ako na ang panibagong libel na haharapin ko ay may kinalaman din ang taong pumadrino sa maanomalyang kontrata na isinampa ko sa Ombudsman ilang taon ang nakararaan.

Tama ba ang hinala ko, ex-PCOO Sec. Herminio “Sonny” Coloma, Jr.?

MANILA CITY HALL EMPLOYEE MALAKAS MAGTAPON SA CASINO

MAY babala si Pres. Rody kamakailan sa lahat ng kawani at opisyal ng gobyerno na mamuhay lang nang simple, at mahigpit ang tagubilin na huwag pumunta sa mga casino.

Pero isang empleyado ng Manila City Hall ang milyon-milyong piso kung magpatalo sa pagsusugal sa CASINO.

Kaya naman pala araw at gabi ay wala siyang patid sa pangongolekta at pangongotong sa mga nagkalat na illegal vendor sa Rizal Avenue, Carriedo at Ronquillo, Sta Cruz.

Ang gamit na bandera ni alyas Jay ay nakatalaga siya sa City Civil Registrar’s Office at ASK FORCE on ORGANIZED VENDING ng Office of the Mayor ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.

Araw-araw sa City Civil Registrar’s Office pa mismo nagbibilang ng perang nakukubra ng damuhong empleyado ng city hall mula sa mga vendors.

Dahil sa matinding pagkagumon sa pagsusugal sa Casino, umabot tuloy sa P3-M ang nadispalko niyang koleksiyon.

At para mapagtakpan ang winaldas na kuwarta sa Casino, pinupuwersa niya ang mga vendor sa 122 stalls at kulay orange na hawla na magbigay ng tatlong milyong piso bilang goodwill money.

Nang hindi makapagbigay ng nasabing halaga,  ay ipina-demolish ni Jay C.R.  kay LeChe, este, Che Borromeo, hepe ng DPS Task Force ang 122 stalls ng vendor.

Lalong lumalala ang problema dahil sa pagpapagiba sa stalls ng illegal vendors na inorganisa pa mandin ni Erap.

Ang ipinagyayabang daw ni alyas Jay C.R nasa likod niyang padrino ay si Manny Santos, kumpareng buo ni ex-convict Erap.

PRES. RODY GALIT SA BASURA

IPABUBUSISI ni Pres. Rody ang discretionary at intelligence funds ng mga gobernador at mayor para malaman kung saan ito dinadala.

Nabuwisit kasi siya sa maruming paligid, kahit saan ay nagtambakan ang basura na sanhi nang pagbaha.

Ibig sabihin, aniya, ay walang ginagawa ang mga local na opisyal para lutasin ito.

May sapat na pondo at sumusuweldo nang maayos at nasa oras ang mga local executives kaya dapat ay gampanan naman nila nang tama ang kanilang tungkulin.

Wish natin ay unahin ni Pres. Rod ang Maynila bilang kabisera ng bansa kaya dapat ito ang masampolan nang pinakaasam na “CHANGE” ng mga Pinoy.

Rody vs. Erap kaya ang susunod na kabanata?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *