TO THE MAX na sa pagiging desperado si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na makapagbangong-puri sa mga kamalasadohang pinaggagawa sa nakalipas na tatlong taon.
Matapos paupahan sa vendor ng P160 kada araw ang bawat orange na hawla, nagpapanggap si Erap na walang kinalaman sa pagdami ng illegal vendors sa buong Maynila.
Nakapikit ba si Erap kapag nagbibiyahe pa-puntang City Hall kaya hindi niya nakikita ang mga illegal terminal sa mga lansangan ng siyudad, lalo na sa Lawton at nagkukunwari pa siya ngayon na ipadarakip daw ang protektor nito?
May drama pa si Erap na huhubaran ng maskara ang mga protektor ng illegal vendors, illegal terminal at illegal drugs sa Maynila.
Puwes, ang hamon natin sa kanya ay ituloy niya at tiyak na kapag naalis ang maskara ng protektor ng illegal vendors dapat sigurado si-yang hindi one-way mirror ang gamit niya.
Kapag ang maskara naman ng protektor ng illegal terminal ang aalisin ay hawig ito ng Reyna Burikak at baka mahimatay si Erap kapag ang maskara ng illegal drugs coddler ang tinanggal dahil baka parang pinagbiyak na kakambal ito ng isang taong identified sa kanya.
Tignan natin kung kaya silang ipaaresto ni Erap.
‘MEDIA NA SABIT SA ILLEGAL DRUGS ISAMA RIN’ — NUJP
KAISA tayo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa panawagan na kasuhan ng Duterte administration ang mga miyembro ng media na alam nilang sangkot sa illegal drugs.
Ang NUJP lang ang umalma sa pahayag ni PNP chief Ronald dela Rosa na nagsabing ilang mamamahayag daw ang kung ‘di man users ay dealers o protectors ng drug lords.
Kung tutuusin ay medyo huli na nga ang pahayag na ito ni Dela Rosa dahil matagal na nating ibinulgar sa ating programa sa radio at television at sa ating column na isang nagpapanggap na ‘journalist’ ang utak sa pagpapatakas sa bigtime drug lord na si Anthony Ang noong 2008.
Ang modus operandi niya ang kunwari’y tumutulong sa pag-iimbestiga sa mga nadadakip na kriminal na Intsik bilang interpreter at ipinagyayabang pang malapit daw siya sa mga opisyal ng Chinese Embassy.
Pero ang totoong pakay niya ay makipagkutsabahan sa kriminal kapalit ng malaking halaga.
Si Ang ay nagpuslit ng P5.5-B halaga ng shabu sa Subic Bay Freeport Zone noong May 2008.
Pero biglang naglaho si Ang matapos kausapin ng ‘journalist’ kahit nadakip na ng SBMA officials at Presidential Anti-Smuggling Task Force (PASG).
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid