Friday , November 15 2024

Tandem sa smuggling sina Taba at Logarta sa Bureau of Customs

00 Kalampag percyAYWAN lang natin kung may hawak nang lista-han ng mga smuggler si Commissioner Nicanor Faeldon, ang bagong hepe ng Bureau of Customs (BOC).

Hindi matatawaran ang husay ni Faeldon bilang dating Philippine Marine Captain kaya naman naniniwala tayo na hindi siya basta mapaglalangan sa puwestong pinaglagyan sa kanya ni Pres. Rody Duterte.

Hindi bagito sa larangan ng smuggling si JD Logarta kaya nasisiguro nating pamilyar na si Faeldon sa kanyang pangalan.

Isa ang damuhong smuggler sa matagal nang nagpapaikot ng smuggling sa Cebu pero napasok na rin nito ang kapitolyo ng Customs – ang Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP).

Kumbaga sa militar, heneral nang maituturing ang ranggo ni JD Logarta sa hanay ng mga matitinik na smuggler sa bansa kaya naman sa kanya ipinagkatiwala ni “David Mantika” (alyas Taba) ang mga palusot nitong kargamento sa Customs. (Tama ba, outgoing DepCom Jesse Dellosa?)

Si David Mantika, financier ni JD Logarta, ay matatandaan na minsan nang natimbog ni dating Customs Commissioner Guillermo Parayno, Jr., matapos mabukong nagpapalusot ng illegal na droga sa kanyang mga kargamentong inilalabas sa Customs.

Tingnan natin kung si Comm. Faeldon ang makasasawata sa bigtime smuggling ng China products ni JD Logarta na ipinagbabawal ipasok sa bansa.

Abangan!!!

FISCALIZER O ‘FIX-CALIZER’?

MUNTIK tayong malaglag sa upuan nang mabasa ang pahayag ni Sen. Leila de Lima na ang gusto niyang maging papel sa gobyerno ay “fiscalizer” sa anti-crime campaign ng administras-yong Duterte.

Akalain n’yo, siya mismo ang naglalagay ng titulo sa kanyang sarili? Tsk, tsk, tsk!

Paano magiging tagapagbantay o tagapagtuwid ng mga mali sa gobyerno ang isang tulad ni De Lima, samantalang alam ng lahat na sa kanyang panahon bilang justice secretary naging pabrika ng shabu ang New Bilibid Prison?

Bilang justice secretary ay inutusan din niya ang mga piskal na palayain ang mga drug suspects habang ang kanilang kaso ay isinasailalim sa “automatic review” bilang paggalang sa karapatang pantao ng akusado.

Ito’y nagpakita na noon pa ma’y mas nababahala talaga sa human rights ng drug suspects si De Lima kaysa biktima ng krimen na ginawa nila.

Isa iyan sa mga dahilan kung bakit tumamlay ang kampanya ng pulisya laban sa illegal drugs.

Sino ba naman ang sisipagin na manghuli ng malalaking isda sa narco industry kung pagdating sa mesa ni De Lima ay palalayain lang pala?

Sa dami ng pera ng drug suspect, imposible na hindi niya kayang bilhin ang kanyang ganap na kalayaan at may kakayahan din siya na buweltahan ang dahilan nang pagkaaresto sa kanya.

Wala tayong nabalitaan na may napa-convict  na drug suspect si De Lima na isinailalim niya ang kaso sa automatic review.

Marami rin ang nakapansin na ilang buwan bago niya inianunsiyo ang kanyang senatorial bid ay saka pa lamang nagpasiklab na nanguna sa raid sa NBP.

Trabaho ng justice secretary ang pangangasiwa sa NBP kaya kapabayaan sa tungkulin ni De Lima kung bakit naging drug laboratory ito at nagbuhay-hari sa bilibid ang convicted criminals.

Ni walang naparusahan o nakasuhan na matataas na opisyal ng Bureau of Corrections, NBP at DOJ sa napakalaking kahihiyan sa ating bansa.

Natakot kaya si De Lima na baka ikanta ang isang “Ronnie D.” ang nagbigay-basbas sa criminal activities sa NBP?

Kabado kaya si De Lima na sumabit sa Bilibid narco industry kaya bago pa siya tumbukin ay inunahan na niya nang paghahain ng Senate re-solution na mag-iimbestiga sa serye nang pagpatay sa drug suspects?

LISTAHAN NG NARCO MAYORS DINEDMA RAW NINA PNOY AT OCHOA

BAGO pa pala isiwalat ni Pres. Rody na may mga mayor na sabit sa illegal drugs ay matagal na itong alam nina PNoy at ex-ES Jojo Ochoa, sabi ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief retired Gen. Dionisio Santiago.

Ayon kay Dionisio, ibinigay niya ang listahan ng 23 narco mayors kina PNoy at Ochoa pero walang ginawa at natalo pa nga ang PDEA sa mga kasong isinampa laban sa mga alkalde.

Binanggit ni Dionisio ang pangalan ng ilan sa mga kasama sa listahan.

Isang dating hepe ng National Youth Commission ang nasa watchlist din ng PDEA bilang protector ng drug syndicates.

SBMA, ECOZONES DAPAT HIGPITAN

ISANG floating shabu laboratory ang nabuko ng awtoridad na nakadaong sa Subic Bay at nanggaling rin sa Cagayan.

Ngayon ay napapatunayan na ng awtoridad na tama ang dati nang ibinulgar na ginagamit sa illegal drugs smuggling ang Subic Bay Freeport Zone at iba pang economic zone gaya ng sa Cagayan.

Kung gusto ng awtoridad na tuklasin ang nasa likod nito’y ugatin lang nila ang kaso ng P5.5 bilyong halaga ng shabu na ipinuslit sa Subic Bay Freeport Zone noong May 2008.

Biglang naglaho ang may-ari ng kontrabando na si Anthony Ang  (aka “Anton”) kahit nadakip na siya at nasa custody ng SBMA officials at Presidential Anti-Smuggling Task Force (PASG).

Balita noo’y isang mataas na opisyal ng PASG ang tumanggap nang milyon-milyong piso para makapuga si Ang.

Ang modus operandi ng ex-PASG official ay tutulong sa pag-iimbestiga sa mga nadarakip na kriminal na Intsik bilang interpreter at ipinagyayabang pang malapit daw siya sa mga opisyal ng Chinese Embassy.

Pero ang totoong pakay niya ay makipagkutsabahan sa kriminal kapalit nang malaking halaga.

Nagtangkang pumasok sa sirkulo ni Pres. Rody pero balitang hindi pa siya nagtagumpay habang isinusulat natin ito.

Puwedeng itanong ni Pres. Rody kay Peter Lavina kung sino ang patay gutom na influence peddling cum drug syndicate coddler.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *