Monday , December 23 2024

Babala kay Faeldon: Mag-ingat sa modus na ‘banat de areglo’

00 Kalampag percySA halip na pagbabanta ay pakiusap at papuri ang narinig ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs kay bagong Commissioner Nicanor Faledon.

Hinimok ni Faeldon ang mga opisyal at rank and file employees na tulungan siyang ibangon ang nasirang imahe ng Customs at tiniyak na walang sisibakin sa kanila sa puwesto.

Tiwala raw si Faledon na “honest” o tapat ang mga nasa Customs.

Kasama ni Faeldon na magpapatupad ng reporma sa Customs ay 20 ex-rebel soldiers sa Magdalo Group.

Isa tayo sa naghahangad na magtagumpay si Faledon sa mithiin na linisin ang Customs sa mga smuggler at puksain ang korupsiyon, sa ilalim ng Duterte administration.

Ang payo lang natin sa kanya ay huwag intindihin ang mga mahahakot na batikos sa media dahil ang pasimuno nito’y mga smuggler with press ID.

Ginagamit ng tiwaling grupong ito sa media ang pangalan ng isang organisasyon sa kanilang nefarious activities sa Customs para magpayaman bilang protektor sa smuggling.

Isa sa posibleng senaryo na kalimitan nang ginagawa ng pangkat na ito kapag may bagong upong mga opisyal sa Customs ang modus na “banat de areglo.”

Gagawa sila ng “opening senaryo,” ilang kulam-nista ang itatalaga nila para bumanat sa Customs kasunod na iaalok at ipapanukala ng kanilang “mastermind” ang serbisyo bilang “crisis PR.”

Magpapanggap pa ang pangkat na ito na tutulong nang walang bayad pero ang tunay na pakay ay kunin ang tiwala ng bibiktimahing opisyal.

Oras na kumagat o mapaamo ang target na opisyal sa iniumang nilang patibong, kasunod nang ididiga ang palusot na kontrabando ng mga hawak na smuggler kapalit ng libreng serbisyo sa paglalathala ng mga “accomplishment report” at pagtaas ng koleksiyon sa Customs.

Sa madaling sabi, ang nasa likod ng pagbanat sa media at ang mag-aalok nang libreng serbisyo ng PR ay iisa.

Sa kanyang kolum na “As I See It” na nalathala noong April 2013 sa Philippine Daily Inquirer, sinabi niya na “there was talk of fake journalists, derisively called “hao shiaos,” acting as fixers at the Bureau of Customs.”

Isipin na lang ni Faeldon na si Pang. Rody ay ibinoto ng sambayanan kahit walang PR.

Sayang naman ang hinangaang tibay ng paninindigan at patriotismong ipinuhunan at naipamalas ni Faeldon kung matutulad lang siya sa ibang militar sa Customs na nilupig ng bulok na sistema.

Posible rin naman na medyo ibahin muna nila ang diskarte at sa diplomasya nila daanin si Faeldon para tuloy ang ligaya ng mga hawak nilang smuggler.

Siyanga pala, sila ‘yung kabilang sa  klase ng media na kabilang sa pinagsamang No. 2 and 3 na tinukoy ni Pres. Rody.

CAGAYAN-MANILA DRUG CONNECTION

SANDAMAKMAK na shabu na halos isang bilyong piso ang halaga ang nakompiska ng awtoridad kamakailan sa isang resort sa Claveria, Cagayan.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya kaya hindi pa tinutukoy kung sino ang may-ari ng shabu bagama’t kinilala na ang may-ari ng lugar bilang isang Rene Dimaya.

Ayon kay PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, planong i-deliver ang illegal drugs sa Binondo, Maynila na hinihinalang nanggaling sa ibang bansa.

Mabuti na lang at nasabat ang mga ilegal na droga kundi ay bumaha na naman sana ng shabu sa Maynila.

Patunay ito na talagang Maynila nga ang sentro ng kalakalan ng shabu ngayon at kung hindi man bagsakan ay may laboratoryo naman.

Mahigit isang linggo ang nakalipas o bago naupo si Pres. Rody sa Palasyo ay nadakip ng PNP at PDEA si Marzan Victor Tumaneng, ang barangay captain ng Barangay Centro 4 Claveria, Cagayan at tatlo pang kasabwat niya.

Tinatayang P120 milyong pisong halaga ng shabu ang nakompiska sa kanila sa isang buy bust operations.

Maaaring ang isang bilyong pisong halaga ng shabu na nakuha sa resort at itong P120-M shabu na nakompiska kay Tumaneng ay magkarugtong.

Ayon sa pulisya, posibleng nagmula pa ang droga sa ibang bansa na isinakay ng barko papunta sa Cagayan.

Kaya ang suhestiyon natin ay higpitan na ang pagbabantay sa mga baybayin sa Cagayan at pati na rin ang pag-iinspeksyon sa mga dumaraong sa Port Irene na teritoryo ng mga Enrile.

Ano kaya ang masasabi ng ‘negosyanteng’ si Kim Wong?

SI BANAYO NA NAMAN?!

IBINOTO ng mga ordinaryong Pinoy si Duterte dahil sa paniwalang lalabanan niya ang korupsiyon, kriminalidad at illegal drugs.

Pero may mga hindi komporme sa pagkakatalaga kay Lito Banayo bilang managing director at resident representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan.

Masasabing matindi ang pumadrino para maitalaga si Banayo sa itinuturing na Juicy position dahil isa itong trading agency at hindi lang de facto embassy.

Pabalik-balik na lang sa gobyerno si Banayo at sa bawa’t puwestong mapuntahan ay nililisan ito nang may mantsa ng katiwalian.

Nahaharap sa kasong graft si Banayo sa Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa rice smuggling noong hepe siya ng National Food Authority (NFA), nang siya nama’y postmaster general ay sumabit naman sa gun smuggling, ayon sa column ni Ramon Tulfo.

Bilyon umano ang kinita ni Banayo sa rice smugglers.

Marami ang natuwa nang sipain si Banayo palabas ng bakuran ni Duterte noong campaign sa presidential elections pero lumipat lang pala kay Sen. Alan Peter Cayetano na suspetsang nakiusap na maipuwesto siya sa MECO.

Sa hinaba-haba ng mga litanya ni Cayetano kontra-korupsiyon sa mga Senate investigation, ‘yun pala mantsado rin ang irerekomenda sa gobyerno.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *