Modus ng druglords at mga laboratoryo
Percy Lapid
July 1, 2016
Opinion
LUMIHAM sa atin ang isang dating sekyu at OFW na tagasubaybay ng ating malaganap na programang Lapid Fire na napapanood sa 8Tri-TV (Cablelink TV Channel 7) mula 8:00 am at sabayang napapakinggan sa DZRJ Radyo Bandido (810 Khz) mula 9:00 am hanggang 10:00 am, Lunes hanggang Biyernes.
Gumamit siya ng pangalang Wil Morado (hindi niya tunay na pangalan) dahil isa na siyang kagawad ng barangay at para protektahan ang kanyang kapakanan laban sa posibleng buwelta ng mga taong sangkot sa illegal na droga sa bansa.
Ipinagtapat kung bakit sa tuwing magsasagawa ng raid ang mga awtoridad ay hindi nasasakote ang druglords sa mga laboratoryo ng droga sa mga pribadong subdivision at residential areas.
Narito ang kanyang pagtatapat na kanyang ipinadala sa pamamagitan ng “Isumbong Mo Kay Duterte,” isang Facebook page na ating binuksan may tatlong taon na ang nakararaan:
“Dear Mr. Percy Lapid:
Isa akong dating security guard na na-assign sa mga subdivision, villages, mga high-rise condominium at mga commercial at industrial establishment hanggang sa ako’y maging OFW.
At makalipas ang ilang mga taon, ako’y nag-barangay tanod at sinubukan kong tumakbong konsehal ng barangay at pinalad naman na manalo at hanggang ngayon ay konsehal pa rin.
Gusto ko na sana’y maiparating mo sa pamamagitan ng iyong rogramang Lapid Fire ang mga ibubunyag at ihahayag ko para makarating kay Pangulong Digong at kay Gen. “Bato” Dela Rosa para makatulong man lang sa ikababawas, kung ‘di man mahinto ang krimen, korupsiyon at droga sa loob ng tatlo o anim na buwan.
Alam n’yo ba na kaya paboritong gawing shabu laboratory ang mga subdivision? Kasi, bumibili sila ng bahay o umuupa at kinukutsaba nila ang mga sekyu kaya ‘pag nag-raid ang mga pulis o PDEA o anumang raiding team, itinitimbre ito ng mga sekyu sa mga druglords kaya pagdating nila sa lugar o bahay ay nakaeskapo na ang hindoropot na mga target. Minsan, sasabihin na wala raw nakatira pero tingnan mo malamig ang kuwarto ng bahay kasi naiwang bukas pa ang aircon ng mga nagsitakas.
Ito ang dapat tingnan ni Gen. Dela Rosa, dapat kapag magre-raid sila, magdala sila ng signal jammer o bantayan nila ang sekyu sa gate ng subdivision para ‘di maitimbre at masunog ang operasyon.
Eto pa, ang mga drug lord at mga bigtime pusher, umuupa ‘yan ng condo unit sa matataas na floor. Halimbawa sa mga 30 storey, kukuha ‘yan ng dalawang unit sa magkasunod na floor, halimbawa sa 29th at 28th flloor, para ‘pag ang subject na unit ay 28th, makakalipat agad sila sa 29th floor para may panahon pang makatakas ‘pag nagtimbre ang mga sekyu sa ground floor. Ganyan sila kagaling.
Ang mga foreigner na drug lord naman, nag- aasawa ng Pinay para legitimate silang makabili ng condo unit o bahay sa loob ng subdivision.
Dapat gumagawa ng local census ang mga housing association o barangay opisyal na nakakasakop sa lugar para ma-monitor at makita ang profile ng mga nakatira o umuupa sa kanilang vicinity at jurisdiction.
‘Di ko lang alam, Ka Percy, kung may ibang sekyu na nakapagsabi na sa’yo nito pero para na rin ito sa kaalaman ng makakabasa nito.
Matagal mo na akong tagapakinig lalo nung nagsesekyu pa ako at lagi akong naka-duty sa graveyad shift at ikaw ay nasa ibang himpilan pa.
Marami pa akong ihahayag sa aking mga karanasan na alam kong makakatulong sa ekonomiya ng bansa, sa mga susunod na mga araw.
Salamat Ka Percy at mabuhay ka!”
Barangay Elections dapat lang matuloy
TAMA si Pres. Duterte na simulan sa antas ng barangay ang anti-illegal drugs campaign at panagutin ang barangay officials na nagbibigay proteksiyon sa operasyon ng illegal drugs sa kanilang pamayanan.
Kung 98% ng mga barangay sa buong bansa ang apektado na ng illegal drugs, aba’y walang dahilan para ipagpaliban ang barangay elections sa Oktubre.
Kailangan mapalitan na ang mga barangay officials upang maging ganap ang tagumpay ng administrasyong Duterte sa giyera kontra droga.
Ito ang dapat isaksak sa kukote ng mga nag-aaway na Comelec officials.
Huwag na nilang tangkain na kaladkarin sa kanilang gusot para ipagpaliban ang barangay polls dahil labag ito sa batas.
Pera lang naman ang kanilang pinag-aawayan at walang kinalaman dito ang interes ng sambayanang Filipino.
Tulong, Pres. Rody sa kasong murder
LUMIHAM din sa atin si Bryan Avila ng Catanduanes para ipaabot ang paghingi niya ng hustisya kay Pres. Rody Duterte at Gen. Roland “Bato” Dela Rosa sa ginawang pamamaslang sa kanyang ina noong nakaraang taon.
Ibinigay niya ang kanyang contact number sakaling kailanganin siya para sa ikalulutas ng kaso, na ayon sa kanya ay karumal-dumal na pagpatay sa kanyang ina.
Narito ang kanyang ipinadalang mensahe na nais niyang makarating kay Pang. Duterte at Gen. Bato:
“Pinatay po ang nanay ko last year, August 13, 2015. Karumal-dumal po ang paraan ng pagpatay sa kanya, kinatay po s’ya mismo sa loob ng bahay namin.
Hangang ngayon po, wala pang hustisya, mag-iisang taon na po. Wala pong lead ang police, wala rin pong ebidensiya na nakuha ang SOCO at wala rin daw po nakakita kahit nangyari po ‘yun ay 9:00 am.
Nawawalan na po kami ng pag-asa. nagmamakaawa po kami, tulungan n’yo naman po kami. Ang pangalan po ng nanay ko ay Mercy Borbe Avila ng Gigmoto, Catanduanes. Salamat po at pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.”
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]