“HARANG,” ang inis na inis na sabi ng isa naming kaibigan nang makita namin sa isang coffee shop matapos na manood ng laban o gimmick ba, nina Baron Geisler at Kiko Matos sa isang night club sa Taguig. Nauna roon, niyayaya niya kaming sumama para manood, pero wala kaming interes. Sinabi namin sa kanya na entertainment lang iyon. Matatapos iyon sa isang draw. Kasunduan na iyon na walang matatalo ano man ang mangyari. Hindi siya naniwala, ‘di naharang siya.
Noon daw first round, akala nila totoo. Ipinakita pa sa amin ang video sa kanyang cell phone. Na-corner ni Kiko si Baron, naibagsak sa lona, kinubabawan tapos binigwasan nang sunod-sunod sa mukha.
Nagsigawan iyong mga tao, akala nila totoo. Pinaghiwalay ng referee. Bangon agad si Baron. Iyong sinuntok ka ng sunod-sunod na ganoon sa mukha, dapat hindi makababangon iyon. Dapat putok na ang mukha niyon. Eh hindi. Kaya ang ibig sabihin suntok-suntukan lang.
Pagkatapos niyong laban na tumagal lang ng ilang minuto, ano ang isinigaw ni Baron, “are you all entertained”. Maliwanag kung ganoon na stage show lang ang napanood nila. Hindi talagang laban iyon.
Sa simula pa lang puro gimmick na. Hinalikan ni Baron si Kiko at sinigawan ng bakla. Ang kasunod gumanti naman si Kiko at binomba si Baron ng ihi raw iyon pala naman eh beer. Kaya roon pa lang kita mo na ang gimmick, ano ang aasahan mo sa laban, eh ‘di stage show nga.
Nagtatawanan nga kami, kasi iyang Kiko at iyang Baron na iyan, mga indie movies na lang ang ginagawa ngayon. Alam naman natin kung ilan lang ang nanonood ng mga pelikulang indie. Minsan nga cancelled ang showing niyan sa mga sinehan dahil walang bumibili ng tickets eh. Pero ngayon nakagawa sila ng hit kahit na paano. Maraming nanood ng kanilang stage show.
Mayroon pang hirit, tumanggi na raw pareho sa isang rematch. Dapat lang dahil wala ng manonood ng kanilang rematch dahil alam na stage show lang pala iyon. Harang! Ang masakit niyan, basta may mga iba pang artistang gagawa ng ganyan, parang indie na rin iyan. Alam kasi nila harang.
HATAWAN – Ed de Leon