Friday , November 15 2024

Pres. Rody Duterte at Mayor Fred Lim iisa ang frequency

KUNG may opisyal ng gobyerno na ang estilo at adbokasiya ay katulad ng pamamahala ni President-elect Rodrigo Duterte, ito ay walang iba kundi si Manila Mayor Alfredo Lim.

Si Duterte ay tinaguriang “The Punisher” habang si Lim naman ay si “Dirty Harry” dahil pareho silang naniniwala sa mabilis na pagpapanagot sa mga kriminal upang agarang matamo ng kanilang biktima ang hustisya.

Kapwa paglaban sa krimen, korupsiyon at illegal na droga ang plataporma de gobyerno nina Duterte at Lim at balewala sa kanila kahit humakot pa ng mga batikos ang paraan sa pagpapatupad ng katarungan.

Ilang taon na ang nakalilipas ay inamin mismo ni Duterte sa isang panayam sa kanya ng Time magazine na si Lim ang kanyang idolo nang tanungin kung sino ang kanyang tinutularan sa kanyang pagiging leader na may kamay na bakal.

Ayon naman kay Lim, hinahangaan niya ang pagpapairal ng peace and order ni Duterte sa kanilang lungsod kaya nakapamumuhay nang matiwasay ang mga residente at walang nangingiming lumabag sa batas sa Davao City.

Sinabi rin ni Lim sa panayam ng isang foreign journalist na kung may sampung tulad ni Duterte sa pamahalaan ay tatamasahin ng lipunan ang inaasam na katahimikan sa buong bansa.

Isa sa mga pruweba na iginagalang ang rule of law sa Davao City ay nang hulihin at pagmultahin ang anak ng alkalde na si dating Mayor Sarah Duterte dahil sa paglabag sa batas-trapiko.

“Magiging malaking tulong sa pagsasaayos ng peace and order ng Filipinas kung may isang Duterte na igagalang at katatakutan ng mga kriminal, walang mag-aabuso dahil ang pinuno at kanyang pamilya ay tumatalima sa rule of law,” dagdag ni Lim.

Inilarawan ni Time correspondent Phil Zabriskie sa kanyang nalathalang artikulo na “Getting the Job Done Punisher Style” ang Davao City bilang “an oasis of peace in the middle of the Philippines’ lush center of chaos” mula nang maging alkalde si Duterte.

“People once fled the place in fear; now they flee other trouble spots in the Philippines — for Davao,” sabi ni Zabriskie.

Naniniwala si Lim na kung iiral sa buong bansa ang kaayusan at katahimikan, gaya sa Davao City, tiyak na magbubunga ito ng paglago ng ekonomiya kaya’t magkakaroon nang sapat na trabaho para sa mga mamamayan upang maitaguyod  ang kanilang pamilya.

Kaya mismong mga kapartido ni Duterte sa PDP-Laban sa Maynila, sa pangunguna ni Jeremiah Belgica, ay inaanyayahan si Lim na sumapi na sa kanilang partido upang makatulong sa anti-criminality campaign ng bagong administrasyon.

Kapag nagkataon, tiyak na magiging blockbuster ang pagsasanib ng “The Punisher” at ng “Dirty Harry” sa gobyerno.

Simpleng Pamumuhay

BUKOD sa kanilang epektibong pamamaraan ng paglaban sa krimen, sina Duterte at Lim ay kapwa hindi namantsahan ng katiwalian ang pangalan sa loob ng mahabang panahon ng panunungkulan bilang mga opisyal ng pamahalaan.

Sa kanyang pag-upo bilang pangulo, si Duterte ay hindi gagamit ng high end o maluhong sasakyan.

Nang mahirang na kalihim ng DILG, tumanggi si Lim na gamitin ang Ford Expedition na itinokang service vehicle para sa kanya.

Mula nang manungkulan siya bilang alkalde ng Maynila, malimit tumirik ang lumang modelong service vehicle na gamit niya kaya may pagkakataon na mag-isang sumasakay ng taxi si Lim.

Palibhasa ay hindi nagnanakaw kaya parehong simple at hindi maluho ang pamumuhay nina Duterte at Lim.

Pareho silang hindi mahilig sa mga walang katuturang sosyalan at makihalubilo sa socialite tulad ng iba na akala mo kung sino pero kuwarta naman ng bayan ang winawaldas sa pagyayabang.

Mula sa klase ng pagkain hanggang sa pananamit ay pareho rin ang kanilang panlasa.

Tradisyon nang kasama ni Lim ang matatagal at malalapit na kaibigan na kape at pandesal lamang ang pinagsasaluhan sa almusal, minsan isang linggo.

Pagdating sa pananamit, hanggang ngayon ay paboritong isuot ni Lim ang isang lumang sapatos na boots na gamit na niya mula pa noon habang nagseserbisyo bilang pulis.

Ang magkaparehong lifestyle nina Duterte at Lim ang barometro at pamantayan na dapat maging katangian ng mga nasa pamahalaan.

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *