HINDI naman daw masasabing nasa kanilang librong Team Real ang lahat ng mga bagay tungkol sa pinakamainit na love team ngayon, sina James Reid at Nadine Lustre, pero ang sabi nga nila ay ”almost all”.
Sa libro, na sa totoo lang ay hindi pa namin nabubuklat ang kopya, sinabi nilang naroroon na ang lahat ng mga bagay na gustong malaman ng kanilang fans, pati na ang ilang unpublished at private photographs nila. Pinagkakaguluhan ang libro. Hindi namin alam kung naipon ba talaga ang sinasabing 11,000 mga tao sa isang mall kamakailan dahil sa libro o dahil sa kanilang ginawang meet and greet para sa mga bumili ng libro? Pero kung iisipin mo na ganoon karami na ang posibleng bumili ng libro na iyan, aba eh maihahanay na nga iyan sa mga best sellers.
We are sure, iyang mga nakalagay na iyan sa libro ay kagaya ng mga karaniwang inilalagay sa mga movie magazine noong araw. Aba, ang mga movie magazine noon lahat ng bagay tungkol sa mga artista inilalabas, pati na ang kasulok-sulukan ng kanilang mga bahay. Pati ang kasalan ng mga artista, hanggang sa kanilang honeymoon, sinusundan iyan ng mga movie magazine noon. Sayang nga, ngayon wala na ang mga movie magazine. Iyong mga movie magazine kasi ngayon, outlet na lang ng press release ng mga network, kaya nabibili na lang iyon sa mga back issues, tatlo P100.
Hindi kagaya noong araw na alam ng fans kung anong movie magazines ang kanilang aabangan araw-araw. At saka noon kasi, masipag pa ang mga movie reporter. Huwag mong sabihing malayo ang bahay ng artista, at lalakarin nila mula sa pinto ng subdivision papasok, ginagawa iyan ng movie reporters. Parte kasi iyon ng kanilang trabaho. Ngayon, nakikita mo na lang ang artista kung may press conference. Kaya ganyan din naman, kailangan pa silang gumawa ng mga libro para mas matawag ang atensiyon ng fans. Pero ang nagagawa lang ng libro, iyong talagang mga sikat na. Iyong baguhan o kaya iyong bumaba na ang popularidad, palagay ninyo mabibili ba kung may libro man tungkol sa kanila?
HATAWAN – Ed de Leon