Itinumba para hindi kumanta
Percy Lapid
June 24, 2016
Opinion
MAGING si President-elect Rodrigo Duterte ay kombinsido na ilan sa mga napapatay na sangkot sa illegal na droga nitong mga nakalipas na araw ay pinatahimik para hindi ikanta ang mga kasabwat na pulis.
Nauna na siyang nagbabala sa mga pulis na papatayin niya kapag natuklasan na ang mga itinumbang drug suspects ay kanilang mga alaga.
Alam ni Duterte ang ganitong mga kalakaran sa pulisya at talagang desidido siya na purgahin ang hanay ng PNP sa mga scalawag.
Hindi rin siya mangingiming hiyain sa publiko ang mga pulis, maging heneral man, at papangalanan niya.
Pero sa kabila ng masamang imahe ng pulis ay nakahanda naman si Duterte na ibangon ang kanilang “puri” sa pamamagitan nang pagtataas sa kanilang suweldo.
Hindi lang iyan, nangako siya na kapag ang pagpaslang sa mga drug pusher ay bunsod ng lehitimong operasyon ay tutulungan at ipagtatanggol pa niya ang mga pulis kapag kinasuhan.
Kapag ganyan naman ang Commander-in-chief, aba’y talagang gago na lang ang pulis kapag gumawa pa ng katarantaduhan o kaya’y gusto nang magpakamatay.
Erap desperadong sapawan si Duterte
Sa lahat naman ng alkalde sa buong bansa ay bukod tanging si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada lang ang todo ang gimik laban sa illegal drugs.
Ang nakapagtataka, ginawa lang niya ito matapos ibulgar ni Duterte na may 35 lokal na opisyal ang sangkot sa illegal drugs.
Pero ang nakakatawa ay lihis sa katotohanan ang mga pakulo ni Erap.
Gaya na lang nang pagbibigay ng P100,000 pabuya raw sa impormante na nagbigay daan sa pagkahuli sa 10 kilo ng marijuana kamakalawa.
Bakit naman mula nang umupo siya sa Manila City Hall ay ngayon lang niya ginawa ito at sa marijuana pa, imbes sa kilo-kilong shabu at laboratory na nahuli sa Maynila?
Ang mga nauna at sunod-sunod na operasyon ng PDEA, CIDG, Quezon City Police at NBI sa Maynila ay nagsimula bago pa man ang katatapos na eleksiyon at wala pang pahayag nang isasagawang kampanya laban sa droga si Pres. Duterte.
Pero bakit hindi ipinursige ni Erap para maparusahan ang 14 na pulis MPD na nahulihan ng 5 kilo ng shabu sa kanilang locker sa MPD headquarters noong 2014?
Hindi kinalampag ni Erap ang piskalya sa Maynila at bakit niya hinayaang matulog nang matagal ang nabanggit na kaso laban sa mga nasabing pulis?
Ano ang matinding dahilan at nagkakandarapa si Erap ngayon na pumosturang anti-drug czar kuno gayong sa panahon ng kanyang pananatili sa lungsod ay nabansagan na sentro ng illegal drugs trade ang Maynila?
Ang tanong tuloy ng marami, may alam kaya si Duterte tungkol kay Erap na hindi natin batid?
Abangan!!!
Trabaho at hindi abuloy sa mahihirap
ISA tayo sa susuporta sa panawagan ng mga negosyante kay Duterte na repasohin ang conditional cash transfer (CCT) program.
Anila kasi, nagpo-promote lang ito ng katamaran sa mahihirap na dumedepende na lang sa buwanang abuloy sa kanila ng gobyerno.
Sa halip nga naman na CCT, dapat ay trabaho ang ibigay sa kanila ng gobyerno upang paghirapan nila ang tatanggaping ayuda sa pamahalaan at maging produktibo silang mamamayan.
Sa ganitong paraan ay totoong mababawasan ang bilang ng mahihirap, hindi tulad ng CCT program na lalong dumarami ang benepisyaryo na ang ibig sabihin ay nadaragdagan ang mga maralita na umaasa sa pamahalaan.
Nagiging ugat din ng korupsiyon ang CCT dahil napakadaling mag-imbento ng ghost beneficiaries para mapunta ang budget sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at kawani ng DSWD at mga local officials.
Ang unang dapat gawin ni incoming DSWD Secretary Judy Taguiwalo ay i-audit ang CCT funds at kasuhan ang mga nagsalamangka rito.
Outgoing execs ng boc isalang sa lifestyle check
PARA lalong maging makatotohanan ang anti-corruption campaign ng administrasyong Duterte ay dapat na isalang sa lifestyle check ang mga outgoing government officials na suspetsang nagpayaman sa gobyerno gamit ang kanilang puwesto.
Dito magkakaalaman kung “tuwid ang daan” ang tinahak ng anim na taon ng PNoy administration, lalo na sa Bureau of Customs (BOC).
Dito magkakabukuhan kung sino-sino ang nagkamal gamit ang kanilang puwesto.
Tama ba, outgoing Deputy Commissioner Jesse “Dellosa Report?”
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]