Mag-ingat sa pagsakay ng taxi
hataw tabloid
June 21, 2016
Opinion
ISA sa pinakaligtas at komportableng paraan para makauwi sa bahay nang matiwasay noon ang mga mamamayang walang sariling sasakyan ay ang pagsakay sa taxi.
Bukod sa tahimik dahil walang ibang pasahero ay tiyak pa silang makauuwi nang ligtas at hindi mabibiktima ng holdap na puwedeng mangyari sa loob ng pampasaherong jeep, bus o sa kalsadang daraanan.
Delikado pa nga noon ang buhay ng mga taxi driver dahil baka malasin sila at makapagsakay ng pasahero na holdaper pala.
Pero iba na ang panahon sa kasalukuyan dahil may mga pagkakataon na ang taxi driver na ang gumagawa ng krimen sa pamamagitan ng panghoholdap, pang-aabuso at kung minsan ay pagpatay sa pasahero.
Noong isang linggo ay pumutok ang balita na nasawi ang isa sa dalawang suspek na taxi driver na nahuli sa magkahiwalay na police operations nang dahil sa panghahalay sa 22-anyos na babaing pasahero sa kolorum van nila.
Nang makababa ang ibang pasahero at dalawang magkasamang babaing fastfood attendants ang natira sa van ay nagdeklara ang dalawang suspek ng holdap pagsapit sa Batasan Hills. Pagkakuha sa kanilang gamit ay binusalan, pinagsusuntok, at itinali ng alambre ang mga babae.
Nakaligtas lang sa panggagahasa ang isa dahil may buwanang dalaw at kapapanganak lang nito. Pero ang kasama niya ay halinhinang ginahasa ng dalawang suspek sa loob ng van. Nag-withdraw pa sila ng pera mula sa ATM account ng mga biktima bago sila ibaba sa Sauyo Road, Quezon City.
Sa tulong ng CCTV footage ay natukoy ang plaka ng van. Inaresto ang unang gumahasa sa biktima na si Wilfredo Lorenzo habang pumapasada sa Commonwealth Avenue noong nakaraang Lunes, at may nakuha pang shabu sa kanya ang mga awtoridad.
Nahuli naman ang kasama niya sa rape na si Alfie Turado noong Huwebes sa Barangay Obrero. Nagtangka pa itong tumakas pero binugbog ng taumbayan. Nang-agaw raw ito ng baril habang nasa loob ng sasakyan kaya aksidenteng naputukan ng pulis.
Ang naturang mga suspek ay dalawa lang sa patuloy na tumataas na bilang ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga taxi driver.
Kung susuriin ay nag-uugat ang lahat sa kapalpakan ng operator sa pagpili ng driver, dahil hindi ito makapagmamaneho kung wala silang permiso.
Dapat salain nang husto ng operator ang pagkuha sa mga driver. Kung hindi ito magagawa ng operators ay dapat isama na rin silang kasuhan sa bawat krimen na kasasangkutan ng kanilang driver. Alalahaning buhay at kaligtasan ng pasahero ang nakataya rito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.