SUWERTE si Kiray Celis dahil sa ikalawang pagkakataon ay binigyan siya ng break ng Regalna maging bidang muli roon sa I Love You to Death. Masasabing suwerte siya dahil iyong ibang mga artista, mabigyan man ng pagkakataong maging bida, sa mga indie film lamang. Ginawa siyang bida ng Regal sa main stream movies, mga pelikulang naipalalabas sa mga sinehan at napapanood ng mas maraming tao.
Kaya sinasabi naman ni Kiray, na kahit na marami na siyang nasamahang serye sa telebisyon at mga pelikula, itinuturing niya ang dalawang pelikula niya sa Regal na siyang pinakamalalaki niyang break. Sabihin din naman nating suwerte lang talaga. Kasi kung hindi naman kumita ang unang pelikula na bida siya, sigurado wala na itong pangalawa. May isa pang napuna namin, kung sa unang pelikula niya ang katambal ay isang mas malaking leading man, si Derek Ramsay, ngayon hindi ganoon kalaki ang kanyang leading man na si Enchong Dee.
Para gawin iyon ng producers niya, ibig sabihin talagang malaki na ang tiwala nila na kayang magdala ng isang pelikula si Kiray.
Kung iyang I LoveYou To Deathna iyan ay kikita pa rin kagaya niyong nauna, masasabi na nga sigurong si Kiray ay isa nang certified box office star.
Hindi si Kiray iyong may mga commercial sa telebisyon na pinupuri ang kahusayan. Hindi siya iyong nananalo ng kung ano-anong awards, pero ang mas mahalaga, pinanonood naman ng mga tao ang kanyang pelikula. Aanhin mo naman ang awards kung ang pelikula mo naman ay baliktad sa takilya? Sino bang producer ang maglalarga ng puhunan sa iyo ano mang husay mo kung puro flop naman ang ginagawa mong pelikula?
HATAWAN – Ed de Leon