PNoy, isunod kaya kina Erap at GMA?
Percy Lapid
June 15, 2016
Opinion
PAIIMBESTIGAHAN ni incoming Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano kung bakit ang P471-M Disbursement Acceleration Program (DAP) funds ay ipinambayad sa Hacienda Luisita Inc. (HLI) para sa mga lupaing ipinamahagi sa mga magsasaka.
Dapat daw panagutin sina Budget Secretary Florencio “Butch Bad” Abad at si PNoy, ayon kay Mariano.
Idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang DAP kaya marapat lang na busisiin ang ‘illegal’ na paggasta nito lalo na’t napunta sa korporasyong pagmamay-ari ng pamilya ng asenderong Pangulo.
Si PNoy kasi bilang Pangulo ng bansa ang ex-officio chairman ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) na nagpapasya sa agrarian reform cases gaya ng Hacienda Luisita.
Talaga namang nakapagtataka na makatanggap ng daan-daang milyong pisong pondo ng gobyerno ang korporasyon ng pamilya Cojuangco-Aquino, lalo na’t hindi naman lupain ang ipinamahagi nila sa mga magsasaka sa kanilang asyenda kundi stock distribution option (SDO).
Ang SDO pa nga na napunta sa mga magbubukid ay tinumbasan nila ng kanilang lakas-paggawa dahil ayon sa financial statement ng Hacienda Luisita na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC), “Acquisition cost of the shares which amounted to P3.9 million yearly is charged to salaries, wages and employees benefits.”
Ibig sabihin, hindi nabawasan ng lupain ang asyenda ng pamilya Cojuangco-Aquino kaya wala silang P471-M “just compensation” na dapat matanggap mula sa gobyerno.
Sakaling ipursige ito ni Mariano, mas simple at madaling maunawaan ng sambayanan kung paano ninakaw ang kanilang pera kaysa mga kasong election fraud at plunder case na isinampa laban kay GMA na hindi umusad sa loob ng limang taon.
Napakatuwid ng daan!
PNoy, Erap at Binay sa maanomalyang Proclamation 143
HINDI na tayo nagulat sa pagbabalewala ng administrasyong Aquino at ng kanyang Korte Suprema sa mga batas kaya hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin sa gobyerno ang isang tulad ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Tila may naging sabwatan sina Erap, PNoy at VP Jojo Binay na posibleng madagdag sa bubunuing kaso nila kapag natapos na ang administrasyong Aquino.
Noong 2015 ay inamin ni Pag-ibig Fund President Darlene Berberabe na ang inookupahang gusali ng Pag-ibig Fund mula noong 2010 sa JELP Building sa Shaw Blvd., Mandaluyong City ay pagmamay-ari ni Erap.
Ang JELP building ay nakatayo sa lupain na idineklarang special economic zone ni PNoy alinsunod sa nilagdaan na Proclamation 143 noong Abril 6, 2011.
Idineklarang special economic zone ang JELP bldg. para gamitin bilang information technology center.
Kung gano’n, bakit ipinaupa ang gusali sa Pag-ibig Fund na isang ahensiya ng pamahalaan at hindi naman sangkot sa information technology business?
Kabilang ba sa mga tinatamasang pribelehiyo ng ari-ariang ito ni Erap ang malaking kabawasan sa pagbabayad ng buwis dahil deklaradong special economic zone?
Hindi ba’t ipinagbabawal sa batas na pumasok sa kontrata ang alinmang ahensiya ng gobyerno sa pamilya ng mga politiko at opisyal ng pamahalaan na kung tawagin ay conflict of interest?
Ang Republic Act 7916 ang nagtatadhana ng legal framework at mekanismo sa pagbuo at operasyon ng special economic zone.
Base sa Section 15 ng RA 7916, bawat ecozone ay dapat inorganisa, pinamamahalaan, at pinatatakbo ng ECOZONE Executive Committee, at sa Section 18 naman ay ipinagbabawal na bigyan ng special privilege para makagamit ng area ang alinmang ahensiya ng pamahalaan, kasama na ang mga government-owned and controlled corporation (GOCC).
Bukod sa ginamit na opisina ng Pag-ibig Fund, naglalakihan din ang mga karatula na ibinebenta ang condo units ng JELP Bldg.
Ibig sabihin, ang naturang gusali ay isang pribadong negosyo sa real estate at hindi sa information technology business kaya’t labag na ideklarang special economic zone.
Bakit sa dinami-rami ng mga gusali sa buong Metro Manila ang JELP Building pa ni Erap ang napiling ideklara na ecozone ni PNoy?
Sa ‘tuwid na daan’ lang yata nauso na ginagantimpalaan pa ng gobyerno ang sentensiyadong mandarambong.
Hindi rin gumawa ng kahit anong hakbang ang gobyerno ni PNoy para mabawi ang lahat ng ninakaw na pera ni Erap sa bayan bilang accessory penalty o bahagi ng hatol sa kanyang guilty sa kasong plunder ng Sandiganbayan.
Kung hindi kumilos si PNoy para ipatupad ang “rule of law” dapat lang talaga na ipalasap sa kanya ang saklap ng pagbalewala sa mga batas at kapakanan ng taong bayan.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]