Ang Narco-Politics at Korte Suprema
Percy Lapid
June 13, 2016
Opinion
SINISIRA ng illegal drugs ang buhay nang nagugumon dito, pati na ang kanyang pamilya kaya todo ang ilulunsad na kampanya ni incoming President Rodrigo “Rody” Duterte.
Krimen ang karaniwang ginagawa nang gumagamit nito kaya labag ito sa batas.
Malinaw na labag sa moralidad ang paggamit nito kaya bawal.
May mga nangangamba sa kahihinatnan ng anti-illegal drugs war ni Duterte sa mga taong maiimpluwensiya at may kakayahang magpasaklolo sa Korte Suprema.
Ito’y dahil para sa Korte Suprema, ang pagdadala o paggamit sa illegal drugs ay ‘di raw dapat ikonsiderang krimen na labag sa pamantayan ng moralidad.
Paano ipaliliwanag ng Korte Suprema ang kanilang pagkatig sa Comelec na pinayagang makatakbo si Ilocos Norte Gov. Ronald Singson matapos mahatulan at makulong sa Hong Kong sa kasong droga?
Nagpasya ang SC noong 2015 na kuwalipikadong kandidato si Singson kahit siya’y drug convict.
“We have held that moral turpitude implies something immoral in itself, regardless of the fact that it is punishable by law or not. It must not merely be mal prohibita, but the act itself, must be inherently immoral. The doing of the act itself and not its prohibition by statute fixes the moral turpitude. A careful examination of the discussion by this Court shows that it is the pushing or selling of said prohibited drugs, and not the mere possession thereof, that is considered a crime involving moral turpitude.”
‘Yan ang sabi ng SC sa kanilang desisyon sa disqualification case na inihain laban sa nakababatang Singson.
Hindi natin maunawaan kung bakit hindi maintindihan ng SC ang simpleng lohika, ang illegal na droga ay ipinagbabawal dahil may masamang epekto sa isip at ugali nang gumagamit nito kaya nakakagawa ng krimen.
Ito ang pangunahing dahilan kaya ito ipinagbawal, labag ito sa pamantayan ng moralidad ng sibilisadong lipunan.
Kapag ganitong uri ng mga mahistrado ang magtatakda ng kung ano ang immoral at hindi, aba’y darami ang drug addicts sa bansa at mababalewala ang kampanya ng pamahalaan.
Ang mga drug lord ay puwedeng umamin na lang na drug addict sila at magdadala na lang ng illegal drugs para bumaba ang kanilang kaso.
Ano ba naman ang ilang taon na bubunuin sa kulungan at paglabas sa bilibid ay tustusan ng drug money ang pagpasok nila sa politika.
Kaya sa halip na ang Simbahan at media ang batikusin ni Duterte, mas mainam na ang mahistrado ng SC ang kanyang hagupitin.
Kahit anong sabihin kasi ng Simbahan at media ay puwedeng hindi ito paniwalaan at sundin ng publiko.
Pero kapag ang SC ang nagdesisyon, sa ayaw at gusto natin ay susunod tayo dahil ang ano mang pasya ng Kataas-taasang Hukuman ay batas na pinaiiral sa bansa.
Tiyak na hindi papaboran ni Duterte ang tila panghihikayat ng mga mahistrado ng SC na umiral ng “narco-politics” sa bansa.
Mas gugustuhin pa ni Duterte na ang drug lord ay pagsimbahin nang may bulak sa ilong bago pa makatakbo sa SC at maging narco-politician.
Kampanya vs droga ‘di kaya masabotahe sa diskarteng Erap
MAKARAANG magbanta si Duterte sa mga mayor at heneral na sangkot sa illegal drugs ay biglang nataranta si ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap” Estrada at kanyang minions sa Manila Police District (MPD).
Kesyo inatasan ni Erap ang MPD na i-neutralize ang drug lords sa Maynila, lalo sa Binondo na pinagkukutaan ng Chinese drug traffickers.
Susme, mula nang maupo sa Maynila si Erap ay tinagurian nang sentro ng illegal drug trade ang siyudad.
Naglipana ang drug addicts, parang kendi na ibinebenta ang shabu sa mga pamayanan, nagkaroon ng shabu laboratory at lahat ng malalaking bulto ng illegal drugs ay nakompiska ng awtoridad na hindi taga-MPD sa Maynila.
Iyan ba ang klase ng sitwasyon na tinutukoy ng MPD na matindi ang illegal drugs campaign ni Erap?
Maging ang kaso ng 14 na pulis-MPD na nahulihan ng limang kilo ng shabu noong 2014 ay natulog na sa piskalya.
Kung gustong utuin ni Erap at kanyang minions sa MPD si Duterte, siguradong sasablay sila dahil kabaligtaran ang natangggap na impormasyon sa gusto nilang palabasin.
Ang mas masama, baka masabotahe sina Pres. Rody at Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa kung mga inosenteng tao ang mabibiktima sa Maynila para magkunwaring suportado nila ang kampanya ng bagong pangulo ng bansa.
Hindi rin malayo na itumba sa Maynila ang mga asset na ginagamit sa pagkakalat ng droga para patahimikin upang hindi na makakanta.
Sa Hunyo 30 magkakaalaman kung sino ang alkalde at heneral sa PNP ang tinukoy ni Duterte na sabit at tumatanggap umano ng protection money mula sa illegal drugs.
Kung hindi sila kilala nina Erap at MPD Director Chief Supt. Rolando Nana, bakit ngayon lang sila pumutak na parang manok?
Sabi nga, “Tell that to the Marines.”
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]